INIHAYAG ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, magsisimula na ang total lockdown o hard lockdown sa Sampaloc, Maynila mula 8:00 pm ng Huwebes, 23 Abril hanggang 8:00 pm ng Sabado, 25 Abril.
Base sa Executive Order, sinabi ng alkalde, layunin ng total lockdown na bigyang daan ang disease surveilance, verification, testing operations, at rapid test assessment.
Tanging Authorized Persons Outside of Residence (APOR) gaya ng health workers, PNP, AFP, PCG, barangay official, accredited media ng PCOO at IATF, at iba pang government o service workers na tumutugon sa pandemya, staff ng drugstores, pharmacies, at death care service ang papayagang makalabas ng komunidad.
Lahat ng commercial, industrial, retail institutions na hindi nabanggit sa nasabing kautusan, pansamantala munang suspendido sa nasabing panahon o dalawang araw na hard lockdown.
Ang pagpapatupad ng hard lockdown ay kasunod ng patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa lugar na umabot na sa 99 kompirmadong pasyente habang nasa 285 ang suspek.
Ayon kay Mayor Isko, ito rin ang dahilan kung bakit naisara ang Ospital ng Sampaloc dahil sa mga residente na hindi nagsasabi ng tunay nilang nararamdaman kapag nagpapakonsulta sa ospital
Dahil dito, ilang hospital staff ang nahawa at kinailangang i-disinfect ang ospital.
Nitong Lunes muling binuksan ang Ospital ng Sampaloc. (VV)
135 BARANGAYS
SA MAYNILA,
TARGET SA TOTAL
LOCKDOWN
AABOT sa 135 barangay sa Maynila ang posibleng isailalim sa total lockdown dahil sa paglabag sa enhanced community quarantine (ECQ) protocols at physical distancing measures, ayon sa inilabas na listahan ng Manila Public Information Office nitong Lunes.
Bawat police station sa Maynila, nagbigay ng listahan kay Manila Police District chief P/BGen. Rolly Miranda.
Tinawag ang mga barangay na enhanced community quarantine (ECQ) challenges.
Lahat ng distrito sa Maynila, may ilang barangay na kasali sa listahan, kabilang dito ang Baseco Compound at Parola Compound na dalawa sa may pinakamalaking populasyon. (VV)
456 COVID-19
CASES KOMPIRAMADO
SA MAYNILA
KINOMPIRMA ng Manila Health Department na nasa 458 postibong kaso ang coronavirus disease (COVID-19) sa Maynila.
Nakapagtala ng 687 suspected cases habang mayroong naitalang 58 recoveries.
Sumampa ang bilang ng mga pumanaw sa 51.
Pinakamaraming naitalang kaso ang District 4 o Sampaloc area na umakyat sa 159 kaso sa lugar.
Ito ang dahilan kaya iniutos ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na isailalim ang lugar sa total lockdown simula bukas para masiguro na hindi na kakalat pa ang sakit.
Pumangalawa ang Tondo 2 o District II na may 103 kaso. (VV)
3 PUBLIC MARKETS
SA MAYNILA
BANTAY-SARADO SA SAF
BANTAY-SARADO ng mga miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP- SAF) ang tatlong pampublikong palengke sa Maynila.
Nabatid kay P/MGen. Amando Clifton Empiso, hepe ng PNP-SAF, nagsimula ang pagbabantay ng kanyang mga tauhan, 10:00 am sa Blumentritt Market, malapit sa panulukan ng Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Maynila, sakop ng Manila Police District – Sta. Cruz Station (MPD-PS3).
Nabatid, itinalaga ang PNP-SAF matapos ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 positive, at upang maiwasan ang dikit-dikit na pamimili dahil sa mga pasaway sa lansangan.
Bukod sa Blumentritt, may dalawa pang palengke ang babantayan ng PNP-SAF, ang Trabajo Market sa Sampaloc at Obrero Public Market sa Sta. Cruz.
Isinailalim muna sa briefing ang mga pulis sa Camp Crame bago dinala sa mga tinukoy na lugar.
Nabatid na nagsagawa rin ng inspeksiyon si P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar sa mga nabanggit na pamilihan.
Sa kasalukuyan, ang Maynila ay mayroong 10 public markets. (VV)