INATASAN ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Baguio ang pulisya na maaaring posasan ang mga lalabag sa natitirang dalawang linggong extended Luzon-wide enhanced community quarantine.
Inilabas ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang kautusan kahapon, 19 Abril, isang araw matapos mahuli sa kahabaan ng Marcos Highway ang tatlong residente ng lungsod na nagtangkang lumabas nang walang travel pass.
Sa tala ng Baguio City Police Office, aabot sa 295 katao ang lumabag sa ECQ mula 17 Marso hanggang 1 Abril, samantala bumaba sa 28 ang mga insidente ng krimen mula 1-15 Abril 2020 kompara sa 33 kaso mula 16-31 Marso 2020.
Ayon kay Mayor Magalong, ang pagpoposas sa mga lalabag sa ECQ ay pagpapakita sa mga residente na hindi sila dapat maging panatag at magpabaya kahit na nakarekober na ang 12 sa 17 pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.