GALIT na inutos ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagpapatupad ng 24-oras total lockdown sa Parola Compound, Barangay 20, Zone 2 District 1, Tondo, Maynila matapos ang ulat na paglabag ng mga residente sa enhanced community quarantine. (ECQ)
Ipinatupad ang total lockdown sa Parola Compound simula kahapon 8:00 pm, hanggang ngayong Miyerkoles, 15 Abril, alinsunod sa nilagdaang Executive Order ni Moreno noong Lunes ng gabi.
Nakarating sa kaalaman ni Mayor Isko na may nagpaboksing at nagpa-bingo sa mga residente sa nasabing barangay na nasasakop ng Parola Compound.
Bukod sa kautusan ni Isko na magsagawa ng disease surveillance, isusunod din ang testing at rapid risk assessment operations sa nasabing barangay.
“A video was posted on Facebook showing a group of more or less one hundred people, including children, participating and spectating in what appears to be an informally organized boxing match by the side of the street,” nakasaad sa EO ng alkalde.
“The video shows blatant violations of the enhanced community quarantine guidelines and social distancing protocols thereby creating immense risk of exposure and contraction of COVID-19 to those involved in the event,” dagdag ni Isko.
Sa panahon ng lockdown, ang lahat ng residente ay dapat manatili sa loob ng bahay at hindi maaaring lumabas sa kalsada.
Maliban sa healthcare workers, pulis, military, coast guard at iba pang government offices na kasama sa emergency frontline services ay exempted sa orders.
Lahat rin ng commercial, industrial, retail, institutional at iba pang aktibidad sa barangay ay suspendido sa panahon ng lockdown.
Inatasan ni Mayor Isko, ang Manila Police District -Police Station 2 na magtalaga ng mga tauhan sa mga strategic locations sa panahon ng lockdown.