ISANG Chinese doctor na unang nagsiwalat sa medical community ukol sa banta ng bagong coronavirus ay dinapuan na rin ng nasabing nakamamatay na sakit mula sa mapanganib na virus — at nagsasalita ngayon siya ukol sa pagpigil sa kanya ng kanyang pamahalaan na magsalita ukol sa outbreak.
Noong 30 Disyembre ng nakaraang taon, sinabihan ng 34-anyos ophthalmologist sa Wuhan na si Li Wenliang ang kanyang medical school alumni group sa Chinese messaging app na WeChat na may pitong pasyente mula sa isang lokal na pamilihan ng seafood ang dinapuan ng matinding respiratory illness aat nakakuwarentina sa kanyang ospital.
Ayon sa CNN, ipinagbigay-alam ni Li sa kanyang mga kaibigan nakita niya sa isang pagsusuri na ang sakit ay nagmula sa coronavirus, ang grupo ng mga virus na kabilang ang severe acute respiratory syndrome o SARS.
“I only wanted to remind my university classmates to be careful,” ani Li sa pagpayo sa kanyang mga kakilala na pag-ingatin ang kanilang mga kamaganakan, ngunit kalaunan ay nag-viral ang mga screenshot sa kanyang mensahe, at malinaw rito ang kanyang pangalan.
“When I saw them circulating online, I realized that it was out of my control and I would probably be punished,” aniya.
Hindi siya nagkamali.
Kasunod nito’y inakusahan si Li ng Wuhan police sa pagkakalat ng tsismis. Ipinatawag siya ng mga opisyal ng kanyang ospital para ipaliwanag kung paano niya nalaman ang tungkol sa virus at, makalipas ang ilang araw, ipinatawag din siya ng pulisya at pinagalitan sa “pagkakalat ng tsismis online” at “ginulo ang social order” sanhi ng kanyang WeChat message.
Nangamba si Li na aarestohin siya ng mga awtoridad.
“My family would worry sick about me, if I lose my freedom for a few days,” aniya.
Kinailangang lumagda siya sa isang pahayag na pag-amin sa kanyang ‘misdemeanor’ at nangako siyang hindi na siya magsasagawa ng sinasabing ‘unlawful acts.’
Pinayagan siyang umuwi makalipas ang isang oras.
Nagbalik naman siya sa kanyang trabaho.
“There was nothing I could do. (Everything) has to adhere to the official line,” aniya.
Humantong si Li sa pag-aasikaso sa isang pasyente na may coronavirus noong 10 Enero; nagsimula siyang umubo at nagkaroon ng lagnat nang sumunod na araw. Naospital si Li noong 12 Enero at kalaunan ay inilagak sa intensive care unit at binigyan ng oxygen support.
Nagpositibo siya sa bagong coronavirus noong 1 Pebrero.
Sadyang binabatikos ngayon ang Wuhan police ng international community sa paraan ng pagtugon nila sa coronavirus outbreak.
Kinalap ni Tracy Cabrera