WALANG plano si Pangulong Rodrigo Duterte na magbaba ng suspensiyon sa operasyon ng offshore gaming operations sa kabila ng mga ulat na pagkakasangkot sa mga ilegal na aktibidad.
“If there is anything wrong with the system on POGO, then we have to review it, evaluate it, and then streamline it, improve it. All agencies involved must do their job so that any corruption, any unlawful acts can be either neutralized or completely stopped,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo sa press briefing kahapon sa Palasyo.
Hinihintay aniya ng Pangulo ang “comprehensive report” na magmumula sa mga inatasan niyang mga ahensiya na mag-iimbestiga sa mga isyu kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs).
Ani Panelo, inatasan ng Pangulo ang Bureau of Customs, Bureau of Immigration, National Bureau of Investigation at iba pang kaukulang ahensiya na imbestigahan ang ulat na ginagamit ang POGOs sa prostitusyon, money laundering , kidnap-for-ransom at pag-eespiya.
“Hindi ba under investigation lahat kaya nga may order siya na imbestigahan lahat ‘yan, kaya naghihintay siya ng comprehensive report,” ani Panelo.
“The President has directed the concerned agencies like the Customs, the Immigration, the NBI, all of the law enforcement agencies,” dagdag niya.
Hindi aniya dapat madaliin ang Pangulo na gumawa ng aksiyon laban sa POGO dahil wala pa siyang pagbabasehan na resulta ng imbestigasyon ng mga inatasan niyang ahensiya.
Ipinagtanggol ni Panelo ang kawalan ng aksiyon ng Pangulo laban sa POGO kompara sa suspensiyon ng Punong Ehekutibo sa lotto at STL operations noong nakaraang taon nang matuklasan ang mga anomalya rito.
“As far as the President is concerned, noong sinuspende niya ‘yun mayroon siyang basis. E, dito wala pa nga siyang basis e, pinag-aaralan pa nga e,” sabi ni Panelo.
(ROSE NOVENARIO)