NANANATILING walang malay ang dalawang high-ranking police generals matapos bumagsak ang kanilang sinasakyang helicopter kasama si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa sa bayan ng San Pedro, lalawigan ng Laguna, noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang mga nasa kritikal na kondisyon na sina Maj. Gen. Mariel Magaway, PNP Director for Intelligence; at Maj. Gen. Jose Maria Ramos, Director for Comptrollership; ayon kay Lt. Gen. Camilo Cascolan, PNP deputy director for administration.
Nakompirma kalaunan ang impormasyon ni P/Maj. General Benigno Durana, director ng PNP Directorate for Police Community Relations (DPCR) sa isang press conference sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC) sa lungsod ng Taguig City.
“Si General Magaway and si General Ramos ay nasa critical condition and they are being well taken care of by our doctors based in Laguna,” ani Durana.
Samantala, nasa ligtas na kondisyon si Gamboa at tanging kanang balikat ang iniinda, ayon kay dating PNP chief at Sen. Ronald Dela Rosa na bumisita sa kaniya sa St. Luke’s Medical Center.
Bukod kay Gamboa at sa dalawang heneral, sakay din ng helikopter sina Brig. Gen. Bernard Banac, PNP spokesperson; ang pilotong si P/Lt. Col. Zalatar; co-pilot na si P/Lt. Col. Macawili; P/SMSgt. Estona, crew ng helicopter; at Capt. Gayramara, aide ni Gamboa, na nasa ligtas nang kondisyon.