Friday , July 18 2025

Suporta ikinakamada, budget bill isinusubasta… Velasco atat sa house speakership

KUMIKILOS ngayon nang tahimik si Marinduque congressman Lord Allan Velasco para maagang makaupo bilang Speaker ng House of Representatives (HOR) gamit ang mga napipintong alokasyon sa pambansang badyet sa 2021 para kombinsihin ang mga kapwa kongresista na sumama sa plano niyang sunggaban nang mas maaga ang puwesto. 

Ayon sa source sa loob ng Kongreso, ipinanga­ngalandakan ni Velasco, tiyak, siya na ang uupong Speaker sa buwan ng Oktubre, kung kailan hihimayin ang pamban­sang badyet para sa 2021 sa Kamara, kaya’t siya umano ang masusunod kung magkakaroon man ng alokasyon o wala sa mga proyekto ang mga congressman sa ilalim ng budget bill.

“Pero ang gusto ni Velasco, ngayon pa lang ay makaupo na siya bilang Speaker, kaya ginagamit niya ang mga alokasyon para sa mga proyekto sa ilalim ng 2021 national budget para pilitin ang mga kongre­sista na suportahan siya sa plano niyang patalsikin si Cayetano bilang Speaker,” ayon sa source.

“Kapag hindi puma­yag ang congressman sa plano niya, binabantaan na zero ang distritong kinakatawan pagdating sa alokasyon ng mga proyekto sa 2021 bud­get,” dagdag ng source.

Base umano sa reak­siyon ng mga kongresista, marami ang nagtataka kung bakit nagmamadali si Velasco na maging Speaker at marami rin ang nagtatanong kung papa­yag ba si Pangulong Rodri­go Duterte sa gani­tong plano.

Aniya, isang dating congressman na maim­plu­wensiya at mayamang politiko mula sa Visayas ang umiikot ngayon sa loob at labas ng Kongreso para iparating ang balak ni Velasco sa mga miyem­bro ng Kamara at ikina­kamada ang suporta.

Bukod sa nabanggit na politiko, nanatili ang malakas na impluwensiya sa Visayas bloc ng Kongreso, si Davao City congressman Isidro Ungab ay kumikilos rin para makakuha ng supor­ta para kay Velasco.

Si Ungab ang chair­man ng makapang­yari­hang House committee on appropriations na humi­himay sa mga probisyon ng pambansang badyet.

Pagbubunyag ng source, nakipag-alyado ang kampo ni Velasco sa Liberal Party (LP) sa Kamara sa pamamagitan ng  planong pagsuporta sa resolusyon na inihain ni Cebu City congressman Raul del Mar para mapa­haba ang bisa ng prankisa ng ABS-CBN hanggang 2022.  Ganito rin ang inihaing resolusyon ni Senador Franklin Drilon ng LP sa Senado.

Tinitingnan umano ng kampo ni Velasco kung magtatagumpay ang nasabing resolusyon na panig sa ABS-CBN, para mapag-alaman kung eepekto ba ang balak niyang ‘kudeta’ laban kay Cayetano.

Matatandaan, sa ila­lim ng term-sharing agree­ment nila ni Caye­tano, na mismong ang Pangulong Duterte ang nag-aproba, si Cayetano ay unang uupo bilang Speaker sa unang 15 buwan ng 18th Congress.

Susunod si Velasco ngayong Oktubre para hawakan ang puwesto hanggang matapos ang Kongreso, kaya’t mas mahaba ang panahon niya dahil 21 buwan siyang uupo bilang Speaker.

Pero, ayon sa source, sa mga nagaganap nga­yon, tila hindi makapag­hihintay si Velasco kaya’t kumakapit sa patalim at maging ang isyu ng ABS-CBN ay ginagamit para maipatupad ang panga­rap na maging Speaker sa lalong madaling pana­hon.

Nauna rito, lumabas ang mga balita na noong nakaraang taon pa nag­paplano si Velasco na agawin ang puwesto kay Cayetano, sa pamamagitan rin ng mga pangakong proyekto sa mga kongresista sa ilalim ng 2020 national budget.

Lumutang ang mga balita tungkol sa pag-aalok ni Velasco ng mga committee chairmanship sa Kamara kapalit ang suporta para sa kudeta laban kay Cayetano pero hindi pa rin umano nag­tagumpay ang nasabing balakin.

HATAW News Team

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

071825 Hataw Frontpage

Legal adoption at anti-human trafficking nais palakasin
‘BABIES FOR SALE’ ONLINE ISASALANG SA SENADO

ni Niño Aclan “BABIES are not commodities.” Binigyang-diin ito ni Senadora Pia  Cayetano kasabay ng …

Antonio Carpio SC Supreme Court

Dahil sa pagiging co-equal branch of government
SC PINAALALAHANAN NI CARPIO SA PAG-USIG vs MAMBABATAS

PINAGHIHINAY-HINAY ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang Korte Suprema kaugnay sa pagkuwestiyon …

Huli sa aktong pagkatay sa sinikwat na motorsiklo lalaki sa Bulacan tiklo

Huli sa aktong pagkatay sa sinikwat na motorsiklo, lalaki sa Bulacan tiklo

DINAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaking pinaniniwalaang kabilang sa grupo ng agaw-motorsiklo sa lungsod …

Batangas Money

Batangas SP nananawagan ng pagkakaisa para sa sesyon

NANANAWAGAN ng pagkakaisa ang mga board members at lupon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Batangas …

BBM Bongbong Marcos BFP

Para sa State of the Nation Address
MGA BOMBERO KATUWANG SA SEGURIDAD NI PBBM

MAGIGING bahagi ang Bureau of Fire Protection (BFP) para magbigay seguridad  sa ika-4 na State …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *