SINOPLA ng Makabayan bloc ang paghingi ni Davao-based businessman Dennis Uy ng sovereign guarantee para sa bilyon-bilyong pisong uutangin para sa patuloy na ‘shopping spree’ sa higit na pagpapalawak ng negosyo.
Ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmeranes, hindi nakapagtataka ang ginawang ‘buying spree’ ni Uy sa ilang malalaking kompanya mula noong 2017 hanggang 2019 dahil inaasahan nito ang backing o suporta ng administrasyong Duterte.
Ngunit ang paggagarantiya pa ng gobyerno sa mga utang nito ay malinaw aniyang pansariling interes na dapat tutulan ng taong bayan, lalo ng Kongreso.
Sa disclosure ng kompanya ni Uy na Chelsea Logistics and Infrastructure Corp., hinihingi nito ang garantiya ng Philippine Guarantee Corp. (PhilGuarantee) para sa bagong loans sa mga nominated bank at financial institution.
Sa oras na pagbigyan ng gobyerno ang aplikasyon ni Uy ay magkakaroon ng mandato ang PhilGuarantee na bayaran ang 90% ng loan amount kung magkaroon ng default o hindi makabayad si Uy.
Bunga nito, binantaan ni Colmenares ang PhilGuarantee sa pagbibigay ng sovereign guarantee kay Uy at sa iba pang malalaking negosyo at hinamon din ang ahensiya na ilabas ang listahan ng mga negosyong binigyan ng guarantee sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“We warn PhilGuarantee against giving sovereign guarantee to big businesses at the expense of farmers, SMEs and public housing who need these funds the most. Additionally, we demand PhilGuarantee not to give guarantees on the basis of the closeness of the applicant to Pres. Duterte instead of on the merits” ani Colmenares.
“If the reports that Chealsea Logistics is planning to ask for sovereign guarantee are true, Filipino taxpayers should not be made to pay for loans of big business, that could have been used by farmers, taxpayers must be informed where their taxpayers money are spent,” giit ni Colmenares.
Hindi pa batid kung ang hinihinging state guarantee ni Uy ay para sa mga bagong uutangin niya o maging ang mga nauna nang loans sa iba’t ibang institusyon ay kasama.
Hanggang Setyembre 2019, ang kompanya ni Uy ay may kabuuang pagkakautang na P16 bilyon na nakuha mula sa Development Bank of the Philippines, BDO Unibank, Amalgated Investment Bancorporation, Visayan Surety and Insurance Corp, Philippine National Bank, at Beijing-based Bank of China dahil sa ginawang ‘buying spree.’
Ilan sa mga nabili ng Udenna Corp ni Uy sa nakalipas na tatlong taon ay 45 percent stake ng Chevron sa Malampaya gas field sa Palawan; ang Philippine Franchise ng international service food chain na Wendys, gayondin ang Conti’s Restaurant; Philippine Franchise ng Family Mart; ang kompanya ni Uy na Motorstrada Inc., na nakuha rin ang exclusive general distributor ng Ferrari Sports Car, parts and accessories sa Filipinas.
Nabili rin niya ang SuperCat Fast Ferry Corp., ang subsidiary ng 2GO na si Uy ang Chairman of the Board; at ang BGC-based na Enderun Colleges.
Si Uy rin ang nasa likod ng development ng Clark Global City, ng third telco na Dito Telecommunity at ang $300-M casino complex sa Cebu City.
Sa isang artikulo, sinabi ni Rachelle Cruz, analyst sa AP Securities, ang pagiging malapit ni Uy kay Pangulong Duterte ang nagdala sa kanyang kinarooonan ngayon.
“His friendship with Duterte opened opportunities to enter into new business that he grabbed aggressively. Uy’s main challenge now is making these businesses work and turning Udenna into a holding that would last beyond Duterte,” paliwanag ni Cruz.
HATAW News Team