INULAN ng reklamo ang Primewater Infrastructure Corporation dahil sa hindi maayos na serbisyo at sobrang taas ng singil.
Sinabi ni dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao, nakalulungkot na profit ang pangunahing interes sa takeover ng Primewater, pag-aari ng bilyonaryong mag-asawang Sen. Cynthia at Manny Villar, sa mga water district at hindi para bumuti ang serbisyo at magkaroon nang maayos na supply ng tubig, base na rin sa mga reklamo ng customers.
Ayon kay Casilao, habang panay ang papuri ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Primewater dahil sa kaalyadong si Villar, ang katotohanan, ang mga residente sa Marilao, Bulacan; Tayabas, Quezon; Bacolod City, Negros Occidental; at Zamboanga City, ay iniaangal ang mataas na singil at water interruptions ng Primewater.
Inihalimbawa ni Casilao ang kaso sa Zamboanga na nagrasyon ang Zamboanga City Water District ng tubig sa mga consumer dahil ang tubig na isinusuplay ng Primewater ay 28.8 million liters a day (MLD) lamang habang sa contractual commitment ay 50 MLD dapat.
Sa San Pablo, Laguna, inirereklamo ang napakataas na singil na umabot sa P1,200 mula sa dating P400 kada buwan.
Sa Quezon; Lemery,Batangas; Los Baños at San Pablo sa Laguna; Batangas City at Rosario sa Batangas at Daraga, Albay ay idinaraing ang mass layoff dahil sa takeover ng Primewater sa operation ng water districts.
Samantala, idinaan sa social media ng mga customer ng Primewater ang kanilang reklamo laban sa water firm ng mga Villar.
Sa Facebook post ni Reigne Salameda ng Bagasbad Road, Daet, Camarines Norte, sinabi niyang gabi lang dumarating ang tubig sa kanila, pagkatapos ay madaling araw pa lang ay wala na.
“Parang graveyard ang schedule ng tubig. Pero kung maningil ang aga,” daing niya.
Inireklamo ni Jocelyn Palarca Cunanan ng Gapan, Nueva Ecija ang ‘pangit’ na serbisyo ng Primewater, bukod sa mahinang tulo ng tubig.
“‘Di magamit sa pagluluto at paghuhugas ang tubig parang pinaghugasan ng bigas,” ang daing naman ni Antonnieta Vidal ng Brgy. Maimpis, San Fernando, Pampanga.
Iniaangal ni Citadel Bundalian ang kalidad ng tubig na nagmumula sa Primewater. “Bakit po marumi ang tubig, parang may kalawang,” pagtatanong niya.
Matagal na rin umanong kalbaryo ng mga taga-Ilocos Norte ang hindi magandang serbisyo ng Primewater na may 12% VAT pa.
“Grabeng pahirap sa mga tao. Laging walang tubig pero ang laki ng bill,” dagdag ni Jocelyn Clacio ng Cavite.
HATAW News Team