ISANG 58-anyos Filipina domestic worker sa Dubai ang iniulat ng pahayagang The Filipino Times (TFT) na namatay dahil sa respiratory illness.
Kinompirma ito ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa nasabing pahayagan sa Dubai.
Ayon kay Bello, humihingi ng tulong ang pamilya ng Filipina upang maiuwi ang kanilang kapamilya na nakatakdang sunugin sa Dubai.
Sa panayam ng TFT, nabatid kay Bello na ang biktima ay 28 taon nang nagtatrabaho sa emirate at walang record o ulat na siya ay may karamdaman.
Sinabi ni Bello, nakasulat sa ikalawang ulat na ipinasa sa kanya ng labor attache sa Dubai ang “coronavirus.”
Pero hindi umano tiniyak kay Bello sa nasabing ulat kung ito ay novel coronavirus.
Sa paliwanag ng World Health Organization, ang coronaviruses (CoV) ay isang malaking pamilya na pinagmumulan ng Middle East Respiratory Syndrome (MERS-CoV) at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS-CoV).
Ang bagong strain nito, ang novel coronavirus (2019-nCoV), ang nag-outbreak sa Wuhan City, Hubei, China.
“Coronavirus lang ang nakalagay, wala akong nakita [2019-] nCoV. Basta namatay nang walang problema o sakit,” pahayag ni Bello sa TFT.
Aniya, “Noong February 1 kasi ang sabi lang sa report ay respiratory illness. Then came February 2, coronavirus ang nakalagay sa second report.”
Ani Bello, hinihintay nila ang resulta ng mas malalim na pagsusuri mula sa Dubai dahil hindi pa sila sigurado kung anong klaseng coronavirus ang humawa sa Filipinas.
Binigyang-diin ni Bello, ang nasabing overseas Filipina worker (OFW) ay hindi bumiyahe sa China o nagkaroon ng kontak sa mga taong posibleng nalantad sa novel coronavirus. (Ulat mula sa The Filipino Times)
Amo namatay sa nCoV
IKALAWANG PINAY DH
SA HK ISINAILALIM
SA 14-ARAW QUARANTINE
INIHAYAG ng Konsulado ng Filipinas sa Hong Kong (HK) ang ikalawang Pinay domestic helper (DH) na isinailalim ngayon sa 14-araw na quarantine bilang protocol ng HK government.
Ang ikalawang Pinay ay nalantad sa kanyang employer nang magpositibo sa 2019 novel coronavirus-Acute Respiratory Disease (nCoV-ARD) at namatay.
Ayon sa Konsulado, katulad rin ng unang kaso ng Pinay worker na nalantad sa dalawang bisitang Chinese ng kanyang employer na nagpositibo sa naturang virus, ay nasa malusog at maayos na kondisyon ngunit kailangang sumailalim din sa quarantine.
Kaugnay nito, muling tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang publiko na ang gobyerno ng Filipinas ay vigilante at may matibay na plano upang masiguro ang kalusugan at kapakanan ng mga Filipino sa bansa at sa ibang bansa sa kabila na may mga pangamba ng pagkalat ng 2019-nCoV ARD outbreak.
Patuloy ang ahensiya sa pakikipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan upang magpaabot ng agarang tulong sa mga Pinoy na naka-quarantine sa ibang bansa.
“We urge our countrymen in affected areas worldwide to abide by the guidelines of host countries and take the necessary personal precautions to ensure their health and safety,” anang DFA. (JAJA GARCIA)