BISTADO ang isang lalaki na sinabing tauhan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na isang ‘fixer.’
Hindi pinangalanan ni Jimmy Bondoc, Vice President for Social Responsibility Group ng PAGCOR, ang suspek na naaresto sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Bondoc, nakatanggap sila ng mga ginagawang iregularidad ng suspek tulad nang paglapit sa mga humihingi ng medical assistance sa PAGCOR na pinangakuan niyang mapapadali ang proseso basta’t may makukuha siyang 30% ng makukuhang financial aid ng aplikante.
Sinampahan ng mga kasong estafa at paglabag sa Code of Ethical Standard at Anti-ARTA Law ang suspek matapos isalang sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office kahapon ng umaga.
Hindi inamin o itinanggi ng suspek ang alegasyon at handa raw siyang harapin ang kaso.
Humingi rin siya ng tawad sa PAGCOR na kanyang pinaglingkuran sa loob ng sampung taon.