NANAWAGAN kahapon ang mga kongresista na huwag mag-panic matapos kompirmahin ng Department of Health (DOH) na nakapasok na ang novel coronavirus (n-Cov) sa Filipinas.
“Huwag ma-alarm. Basta maging malinis lang sa katawan hindi ka dadapuan ng virus,” ayon kay dating health secretary Janette Garin.
Ang coronavirus ay dala ng isang 38-anyos babaeng Chinese ayon sa DOH.
Base sa report, dumating sa bansa mula sa Wuhan China ang babaeng noong 21 Enero 2020 at kumunsulta sa doktor noong 25 Enero.
“Huwag tayong mag-panic dahil hindi ‘yan makatutulong sa problema,” ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
Kaugnay nito, binatikos ni Garin si Health Secretary Francisco Duque sa umamo’y hindi pagkonsulta sa mga opisyal ng DOH kung anong paghahanda ang dapat gawin.
“Mas naalarma ako kay Secretary Duque dahil parang hindi niya alam ang gagawin niya. Ayaw pa niyang gamitin ang expertise ng DOH officials na may experience na sa MERCoV at SARS. Wala siyang tiwala,” ani Garin.
Hindi rin umano nagpatawag agad ng command conference si Duque gayong ilang linggo nang pinag-uusapan ang n-Cov.
Umapela si Defensor sa Chinese nationals lalo ang mga galing sa Wuhan, China na agad magpa-check-up upang masiguro na hindi sila apektado ng n-Cov.
“It is for their safety and for the community,” ani Defensor.
Ayon kay Defensor, dapat matunton ang mga katabi ng biktima sa kanilang flight noong 21 Enero 2020 para matiyak na wala silang sakit habang nasa bansa.
(GERRY BALDO)