HINDI pa man gumugulong ang imbestigasyon sa lease contract sa pagitan ng Ayala Land Inc (ALI) at ng University of the Philippines (UP) ay aminado ang mga empleyado sa Technohub, partikular ang BPO workers, na nababahala sila sa sitwasyon at ngayon pa lamang ay nangangamba nang mawalan ng trabaho.
“Sa mga nangyayari ngayon at sa mga nababasa mo, nakakatakot na baka isang araw magising ka na lang na wala ka na palang mapapasukan kasi ipinasara na,” pahayag ni Virmel Villareal, 31, at nagtatrabaho sa Synnex-Concentrix, isang BPO company sa Tehnohub.
Ayon kay Virmel, sa dalawang taon niyang pagtatrabaho sa Technohub ay wala siyang naging problema, maaliwalas at ligtas sa kanyang pinagtatrabahuan, accessible sa lahat at may maayos na panuntunan sa buong complex kaya naman nang marinig niyang iimbestigahan ang UP Technohub Complex ay nalungkot siya kasama na ng kanyang mga kasamahan sa trabaho.
“Nananawagan kami kay Pangulong Duterte, huwag naman sana kaming mawalan ng trabaho. Napakahirap mawalan ng trabaho sa panahong ito,” pahayag ni Virmel.
Ganoon din ang sentimiyento ni Paula Biazon, nagtatrabaho rin sa Synnex-Concentrix.
Aniya, huwag sanang madamay ang kanilang trabaho sa gagawing imbestigasyon sa Technohub deal dahil mahirap maghanap ng trabaho ngayon.
Apela ni Ma. Cristina dela Vega, isang call center agent sa Convergys, huwag sanang magpabigla-bigla ang Malacañang at bigyan ng pagkakataon ang Ayala Land na magpaliwanag.
Hindi, aniya, siya naniniwalang may anomalya sa kontrata lalo pa’t ang Technobub ay partnership sa UP na hindi naman umano basta maloloko at papasok sa kontrata na sila mismo ay malulugi.
Sinabi ni Ferdinand Abelardo, call center agent din sa Convergys, umaasa siyang isasaalang-alang ng Palasyo ang kanilang trabaho sa gagawin nitong imbestigasyon sa Technohub.
Binigyang-diin niya na hindi siya tatagal sa Technohub kung hindi maganda ang palakad ng ALI, sa katunayan umano ay masaya sila at maayos na nagtatrabaho roon dahil sa magandang benepisyo na kanilang natatanggap.
“Malaki ang pasasalamat naming mga BPO worker at na-develop ng Ayala ang lupain ng UP. Dati kasi ay puro talahib lang ito, hindi napakikinabangan at tapunan pa ng mga bangkay,” dagdag niya.