PATAY ang anim katao na kinabibilangan ng person with disability (PWD), tatlong paslit na magkakapatid, ang kanilang 36-anyos ina, at isa pang lalaki sa sunog na naganap nitong Huwebes nang madaling araw sa Yuseco Street, Tondo, Maynila, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Kinilala ang mga namatay na biktimang sina Jean Paul Esguerra, PWD, 42 anyos; si Odessa Conde, 36, ina ng tatlong magkakapatid na sina Yhancy Kieffer Conde, 8 anyos, Yara Courtney Conde, 9, at Yhexel George Nicholas Conde, 10 anyos, pawang nakulong sa loob ng bahay; at Aquelina Romero Javana, a.k.a. Jack, 44 anyos.
Huling nakita ang bangkay ni Javana, sa kanilang banyo, dakong 8:45 am.
Anim din ang iniulat na sugatan kabilang anmg padre de familia ng mag-iinang natupok sa apoy, na kinilalang si George Conde, 43 anyos, kasalukuyang inoobserbahan sa ospital dahil sa 3rd degree burns.
“Allegedly ‘yung tatay paglabas niya gina-guide na niya pamilya niya e. Probably na-block siguro sila ng makapal na usok kaya naiwan ‘yung apat,” pahayag ni Fire Insp. John Joseph Jalique, hepe ng Manila Fire District Intelligence and Investigation Unit.
Tinatayang 40 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Aabot naman sa P100,000 ang halaga ng pinsala.
Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP) nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng inuupahang bahay ng isang Encarnacion Lotero, 2:40 am at naideklarang fire out dakong 7:14 am.
Nagsimula ang sunog sa Narra St., na kumalat hanggang sa Katamanan St., malapit sa panulukan ng Yeseco St., sakop ng Barangay 230 at 222 sa Tondo.
Mabilis na itinaas sa ika-3 alarma ang sunog bago naideklarang under control.
Sa kaugnay na ulat, pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang Eduardo Lotero, sinabing asawa ni Encarnacion, upang pagpaliwanagin sa hinala ng mga kapitbahay na siya ang sumunog sa kanilang bahay nang hindi makita ang misis.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente ng sunog.
HATAW News Team