DALAWA katao pa ang binawian ng buhay dahil sa cardiac arrest habang patungo sa mas ligtas na lugar kasunod ng pagsabog ng bulkang Taal noong Linggo, 12 Enero, habang mahigit sa 80,000 residente sa 14-kilometer radius permanent danger zone ang ligtas na nailikas ng pamahalaan, iniulat kahapon.
Kinilala ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (BPDRDMO) ang mga namatay dahil sa cardiac arrest na sina Anatalia Dionisio, 65 anyos, mula sa Barangay Sampaloc, sa bayan ng Talisay, na namatay noong Lunes, 13 Enero; at Danilo Toledo, 27 anyos mula sa Barangay Laguile, sa bayan ng Taal, namatay noong Martes, 14 Enero.
Ayon kay Brig. Gen. Marceliano Teofilo ng Armed Forces of the Philippines Joint Task Group Taal, hanggang noong Miyerkoles, 15 Enero ay mayroon nang 18,664 pamilya, o 82,000 bakwit ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.
Mula sa 12 bayan na nasa danger zone ang mga bakwit ngunit walang tiyak na bilang ang mga residenteng nangangailangan pang ilikas.
Paliwanag ni Teofilo, pabalik-balik ang mga residente sa kanilang mga tahanan kahit mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga apektadong barangay.
Dagdag ni Teofilo, prayoridad ng paglilikas ang mga residente ngunit pinabalik nila ang kanilang mga military truck upang mailigtas ang mga naiwang hayop na pinayagang sabay na isakay kasama ng kanilang mga amo.
Itinalaga ni Interior Secretary Eduardo Año ang Philippine National Police na pigilan ang mga bakwit sa pagbalik sa kanilang mga tahanan sa Volcano Island, na idineklarang “strictly off limits” nang walang clearance mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Dagdag na kautusan ng kalihim sa Bureau of Fire Protection (BFP), “mobilize all resources in aid of the road-clearing and cleaning operations… of ashfall and volcanic debris in all affected provinces.”
Hanggang sa kasalukuyan, nakapag-deploy na ang BFO ng 147 trak ng bombero at 531 fire personnel maging ang 39 emergency medical service personnel sa mga apektadong lugar.
Ayon sa hepe ng DILG, siniseguro nilang sumusunod ang local chief executives na maipatupad ang paglilikas at pagbibigay ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.
Humihiling din si Año ng tulong mula sa mga lokal na pamahalaan ng Kalakhang Maynila para sa mga sasakyan, breathing apparatuses, at water purifiers na maaari nilang ipahiram at ibigay bilang tulong sa mga apektadong lugar sa Calabarzon.