PINAYOHAN ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang fish dealers na huwag magtaas ng presyo ng isda lalo ang bangus at tilapia kahit may ulat na may kakulangan o shortage dahil sa nararanasang kalamidad sa southern Tagalog partikular sa Batangas at Laguna.
Ayon kay Moreno, ang nasabing mga produkto ay manggagaling sa Central Luzon at Cordillera Administrative Region para punan ang supply ng isda sa Maynila.
Sinabi ni Moreno, ang karagdagang supply ay tiniyak sa ilalim ng direktiba ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Pinaalalahanan ni Moreno ang fish dealers na tanggapin ang nasabing supply mula sa norte dahil karamihan aniya ng dealers ay tumatanggap ng supply mula sa kanilang mga suki.
“We already gave a directive sa aming market administrator, sa aming 17 markets na tanggapin lahat ng uri ng supply galing sa north kasi mayroon palang suki-suki, e kapag nawala ‘yung suking supply, hindi sila kukuha,” ayon sa alkalde.
“So kapag hindi sila kumuha, magkakaroon ng shortage, e meron naman palang enough na supply, pero sa ibang lugar nanggaling. Kaya wala silang dahilan para magtaas ng presyo,” aniya.