NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa ng gabi ang 2019 Salary Standardization Law (SSL) na naghudyat ng umento sa sahod ng may 1.4 milyong kawani at opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, makikinabang ang mga napabayaang sektor ng gobyerno lalo ang mga guro at nurse.
“I’m sure this law will benefit those hardworking men and women in the government including the most neglected sector in the bureaucracy, and I refer to the teachers and the nurses,” ani Panelo sa press briefing kahapon.
Ang SSL5 ay iniakda ni Sen. Christopher “Bong” Go.
Batay sa bagong batas, ang dagdag sahod ay hahatiin sa apat na bigay, simula sa 2020 hanggang 2023.
Nakalaan sa 2020 national budget ang P34 bilyong pondo para sa implementasyon ng unang bahagi ng SSL5.
(ROSE NOVENARIO)