PANSAMANTALANG ipinaputol ang signal sa lahat ng linya ng komunikasyon sa Maynila at karatig lungsod, ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Globe Telecom at Smart Communication Inc., para sa Traslacion 2020.
Ito, ayon sa NTC, ay base sa direktiba ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director, P/BGen. Debold Sinas na putulin ang network service simula 11:00 pm kahapon hanggang 12:00 noon sa Biyernes.
Ito ay kaugnay sa pagpapatupad ng seguridad sa Kapistahan ng Quiapo at Traslacion ngayong araw ng Huwebes.
Nakasaad sa NTC order na dapat ay walang signal sa mga lugar na tinukoy ng NCRPO para sa nasabing mga oras.
Sa abiso ng Smart, bukod sa Maynila damay din ang kalapit siyudad na mawawalan ng signal gaya ng Pasay, Malabon, Caloocan, Makati, San Juan, Mandaluyong at Quezon City.
Bukod sa signal jammer, mayroon din ide-deploy na mobile jail bus, CCTV sa lahat ng daraanan o ruta ng prusisyon.
Ibabalik ang signal sa hudyat ng Philippine National Police.