IPINAGTANGGOL ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang anti-drug campaign ng Duterte administration sa harap ng pagbatikos ni Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Velasco, 79% Pinoy ang satisfied sa anti drug campaign batay sa Social Weather Station (SWS) Survey at mula nang ilunsad ito noong 2016 ay naging mas ligtas ang mga kalsada at mas nararamdaman ng mga Filipino ang sense of security.
Sa MIMAROPA (Oriental and Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan) region na kabilang ang distrito ni Velasco ay bumaba umano ang kaso ng illegal drugs.
Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 64% ng mga barangay sa MIMAROPA ay naideklarang drug-free.
Matatandaan, una nang naging kontrobersiyal ang Marinduque pagdating sa illegal drugs nang masakote ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Marinduque Philippine National Police (PNP) ang dating staff at driver ni Velasco na maliban sa droga ay nakompiskahan din ng matataas na kalibre ng mga baril.
Si Mark Dexter Anthony Preclaro ng Santa Cruz, Marinduque, personal driver ng mambabatas ay inaresto matapos mahulihan ng 18 gramong shabu na nagkakahalaga ng P120,000, drug paraphernalia, 5.56 rifle, dalawang 22 caliber rifles, apat caliber 5.56 magazines at ilang live at blank ammunitions.
Sa record ng PDEA, ika-12 most wanted sa hanay ng drug pushers sa MIMAROPA si Peclaro at matagal nang sentro ng manhunt operations ng mga awtoridad.
Ang ama ni Velasco na si retired Supreme Court Justice Presbitero Velasco ay dating isinangkot ni Sen. Leila de Lima na may koneksiyon sa convicted drug lord na si German Agojo.
Sa mga lumabas na news report, sinabi ni De Lima na isang investigative news report na Shadow of Doubt: Probing the Supreme Court na isinulat ni Maritess Vitug ang nagdedetalye ng koneksiyon ni Agojo sa matandang Velasco.
Nakasaad sa nasabing report, nang umakyat ang kaso ni Agojo sa SC ay isinusulong ni Justice Velasco na ma-acquit si Agojo ngunit natalo sa mga kapwa mahistrado kaya ang naging boto ay unanimous para mahatulan ang drug lord.
Si Agojo ay isa sa inmates sa New Bilibid Prison (NBP) na tumestigo laban kay De Lima habang si Justice Velasco ang nagponente ng desisyon sa kaso ni De Lima na nagbigay daan para makulong ang senadora.
HATAW News Team