HINDI kakampi ang Filipinas sa Amerika sa pakikipaggirian sa Iran.
Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon taliwas sa sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kakampihan ng Filipinas ang US kapag may nasaktang Pinoy sa alitan ng Amerika at Iran.
“I would not like it, it was just a projection,” ani Duterte sa panayam.
Magpapadala aniya ng special envoy sa Iran at Iraq upang makipag-usap sa pamahalaang Iran at Iraq hinggil sa ligtas na paglikas sa libo-libong mga Pinoy roon.
Kaugnay nito, binigyan diin ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., na ang proteksiyon at kaligtasan ng mga Filipino sa Gitnang Silangan ang pangunahing prayoridad ng administrasyong Duterte at hindi ang pagkiling sa ano mang panig sa girian ng Amerika at Iran.
Aniya, kaibigan ng Filipinas ang US at may diplomatikong relasyon sa Iran, Iraq, at iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan kaya hindi makikisawsaw sa tensiyon dulot nang pagpaslang ng Amerika kay Iranian general Qassem Soleimani.
Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Duterte sina Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Abdullah Mama-o at Environment Secretary Roy Cimatu na magpunta sa Iran at Iraq upang ayusin ang preparasyon sa paglilikas ng mga Pinoy roon sakaling lumala ang tensiyon.
ni ROSE NOVENARIO