INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na maghanda para agad mailikas ang libo-libong Filipino sa Gitnang Silangan sakaling tumindi ang tensiyon sa pagitan ng US at Iran bunsod nang pagpatay ng Amerika kay Iranian General Qassem Soleimani.
“Nagpatawag si Pangulong Duterte ng meeting kasama ang chief of staff ng AFP kung ano ang magiging epekto nito sa ating bansa at sa ating seguridad,” ayon kay Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na kaharap sa pulong ni Pangulong Duterte sa matataas na opisyal ng pulisya’t militar sa Malacañang kagabi.
Aniya, hindi na mahintay ng Pangulo ang command conference sa Martes para pag-usapan ang sitwasyon sa Middle East kung kaya siya nagpatawag ng emergency meeting kagabi.
“Mabuting prepared tayong mag-repatriate ng ating mga kababayan if necessary, iyan ang prayoridad ng Pangulo,” ani Go.
Nagbigay rin aniya ng direktiba ang Pangulo sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para magkasa ng contingency measures at tukuyin ang mga bansang ligtas na pagdalhan ng mga ililikas na Pinoy sakaling mahirapang maiuwi sila sa Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)