GINALUGAD ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kasama ng mga pulis ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen Bernabe Balba ang tinaguriang “Recto university” sa kahabaan ng C.M. Recto Avenue, Sta. Cruz, Maynila.
Umarangkada ang grupo ng alkalde dakong 11:00 am para ilunsad ang “Operasyon Baliko” upang galugarin ang mga gawaan ng pekeng dokumento at iba pang ilegal na aktibidad sa lugar.
Binulabog ni Moreno ang tinaguriang Recto university na talamak na gumagawa ng iba’t ibang pekeng dokumento.
Pagtitiyak ni Mayor Isko, hindi ningas-kugon lamang o Oplan pakilala ang Pperasyon Baliko, bagkus Ito ay magkakaroon ng patuloy na monitoring nang sa gayon ay masiguro na mawakasan ang mga pagawaan ng pekeng papeles sa lugar.
Matatandaan noong lunes sa naganap na flag raising ceremony ay nagbabala si Mayor Isko laban sa mga gumagawa ng pekeng dokumento na tutuldukan ng pamahalaang lungsod ang pamemeke sa nasabing lugar.
Napagalaman sa ikinasang operasyon kahapon, tatlong motorsiklo na kuwestiyonable ang dokumento ang na- impound, habang 42 katao ang binitbit at isinailalim sa beripikas-yon.
Umabot sa kabuuang 52 stalls ang nag-o-operate sa bisa ng inisyung permit bilang mga ‘printing company’ at ngayon ay isinasailalim sa beripikasyon para mabatid kung ang operasyon nila ay alinsunod sa kanilang mga permit.
Nakompiska sa nasabing operasyon ang anim na machine para alamin kung saan ito ginagamit at iniutos ni Mayor Isko na sirain kung mapapatunayan na ginagamit sa paggawa ng pekeng dokumento.
Matatandaan, galit na binalaan ni Isko ang mga gumagawa ng pekeng dokumento at binantaan na papapanagutin sila ng lokal na pamahalaan kapag hindi sila tumigil sa kanilang operasyon at umalis sa siyudad.
Ang Operation Baliko ay bunsod ng pamemeke ng mga ID ng senior citizens at persons with disabilities (PWD) na lubos na ikinagalit ni Mayor Isko.
Nabatid na ilang ‘enterprising individuals’ umano ang nangongolekta ng ‘tara’ o ‘tong’ sa ‘Recto university’ na naging dahilan ng matagal na pamamamayagpag nito sa Maynila, bagay na tinutuldukan ni Yorme.
(BRIAN BILASANO)