INIHAYAG ng Department of Interior and Local Government (DILG) nasa 106 barangay chairpersons sa Maynila ang pinadalhan ng show cause order sa hindi pagsunod sa ipinatupad na nationwide clearing operations.
Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, sa nasabing bilang ng mga chairpersons, anim ang hindi sumagot.
Dahil dito, nakatakda nilang sampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman ang anim na barangay chairpersons habang hinihintay ang desisyon ng City Council para malaman kung anong hakbang ang kanilang gagawin.
Bukod dito, sinabi ni Diño, nasa 101 alkalde ang inisyuhan ng DILG ng show cause order para pagpaliwanagin kung bakit hindi nila naipatupad ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinusubaybayan din ng DILG ang mga governor na hindi tumutulong o hindi umaaksiyon sa kawalang kilos ng kaniyang mga alkalde.
Kada ika-apat na buwan ay may balidasyon ang DILG sa local government officials kung napapanatili nilang maayos at malinis ang kanilang nasasakupan.
Iginiit ni Diño, ang Mabuhay lanes at national roads, ay dapat na walang nakahimpil o nakagarahe at malinis sa obstruction order at kung sakaling may mga pasaway, agad itong iulat sa kanilang tanggapan.
Ang naging pahayag ni Diño, kasunod ng balitang nagbubunyi ang ilang barangay officials makaraang kanselahin ang barangay elections.