NANAWAGAN ang Palasyo sa publiko na manatiling kalmado kasunod ang magnitude 6.9 lindol na yumanig sa Mindanao kahapon.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo, kailangan maging alerto ang publiko sa mga inaasahang aftershocks.
Hinikayat ng Office of the President ang publiko na iwasang magkalat ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng alarma at panic sa mga apektadong komunidad.
Tiniyak ng Palasyo na nakatutok ang gobyerno sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Phivolcs para bantayan ang sitwasyon sa Davao del Sur.
Ipinag-utos na rin aniya sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na magresponde at ibigay ang mga pangangailangan sa mga apektadong lugar.
Kinompirma ni Panelo na nasa kanyang bahay sa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte nang lumindol.
Kasama aniya ng pangulo sa bahay ang anak na si Kitty habang ang partner na si Honeylet Avanceña ay nasa daan pauwi nang yumanig ang lindol.
Tiniyak ni Panelo na maayos ang kondisyon at walang nasaktan sa pamilya Duterte.
Kaugnay nito, sinabi ni Brig. Gen. Jose Eriel Niembra, commander ng Presidential Security Group (PSG), na walang naitalang sira sa bahay ng Pangulo.
Gayonman, sinusuri pa rin aniya ang structural integrity nito.
(ROSE NOVENARIO)