HOYO ang isang tulak ng ilegal na droga at kasabwat matapos madakip ng mga pulis habang limang katao pa ang nadakip sa hiwalay na buy bust operations sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling araw.
Nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang mga suspek na sina Wilfredo Ferrer, 38, tubong Meycauayan, residente sa #201 Juan Reyes St., Karuhatan ng nasabing lungsod; at Angel Fernandez, 31, residente sav Kamias 2 Mambungan St., Antipolo City.
Sa isinagawang imbestigasyon ni P/SSgt. Analiza Antonio, dakong 9:00 pm nang mag-sagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Valenzuela City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan Jr., sa McArthur highway, Brgy. Marulas. Nagawang makabili ni P/Cpl. Ronald Padlan, Jr., na umaktong poseur buyer ng isang plastic sachet ng shabu sa dalawang suspek at nang matapos ang transaksiyon ay agad nagbigay ng hudyat sa kanyang mga kasamahan at inaresto nina P/Cpl. Kolleen Primo, at P/Cpl. Ed Shalom Abiertas sina Ferrer at Fernandez. Nakompiska ng mga pulis sa mga suspek ang pitong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na may walong gramo at may estimated value na P54, 400, P500 buy bust money, dalawang P50 at isang kulay pink na coin purse.
Dakong 4:30 am nang madakip ng mga operatiba ng SDEU team 2 sa buy bust operation sa M. Gregorio St., Canumay West ang mga suspek na sina Edwin Jacinto, 34, Christian Carlos alyas Ogag, 22; Jhayson Carlos, 21; Ricardo Santos Jr., alyas Jr., 36; at John Paul De Lemos, 37 anyos, pawang residente sa Valenzuela City. Ayon kay P/SSgt. Carlos Erasquin Jr. Nagawang makabili ng isang plastic sachet ng shabu ni P/Cpl. Julius Bernardo na nagpanggap na buyer ng droga kay Jacinto. Agad lumapit ang mga back-up at nadakip ni P/Cpl. Kenneth Marcos si Jacinto at nakuhaan ng isang maliit na leather coin purse na naglalaman ng sampung heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu, tatlong P100 bills, dawalang P50 bills at P300 pesos buy bust money. Nadakip si Christian Carlos na kasabwat ni Jacinto sa pagbebenta ng ilegal na droga habang nakuhaan si Santos at De Lemos ng tig-dalawang plastic sachet na naglalaman ng shabu habang isa pang plastic sachet ang nakuha kay Jhayson Carlos. Mahigit 1.7 grams ang nakompiskang droga sa mga suspek at nasa P11,560 ang estimated value nito. (ROMMEL SALES)