ISANG commuters safety advocacy group ang naghain ng petition for injunction with application for a temporary restraining order (TRO) laban sa limang motorcycle taxi groups na wala umanong experience at walang track record para mamasada.
Binigyang-diin ng grupo na malaking banta ito sa kaligtasan ng mga pasahero at ng publiko.
Ayon kay dating QC councilor Atty. Ariel Inton, ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP), sa isang press conference kahapon, sinampahan nila ng petition for injunction with application for a temporary restraining order ang limang motorcycle taxi companies, ilan rito ay nagsasagawa na ng operasyon nang walang basbas ng awtoridad.
“Dapat ipagbawal sa kalsada ang motorcycle taxi operators na walang experience at walang track record,” ani Inton nang ihain niya ang petisyon kasama si Atty. Raymond Fortun, volunteer lawyer ng samahan.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Inton, sinampahan nila ng petisyon ang We Move Things Philippines Inc. (Joyride), Habal Rides Corp., I-Sabay, Sampa-Dala Corp., at Trans-Serve Corp.
Inilahad sa petisyon, ang operasyon nito ay walang pahintulot at maaaring magdulot ng peligro sa mga pasahero.
Idinagdag ni Inton, dating Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) member, ang pangunahing misyon ng LCSP ay isulong ang commuter safety at itaguyod ang Karapatan ng commuters, road users, at pedestrians para sa ligtas na uri ng transportasyon.
“Malinaw na sinasabotahe ng mga kompanyang aming sinampahan ng petisyon ang kasalukuyang pilot program para sa motorcycle taxis sa pamamagitan ng pag-o-operate bagamat walang pahintulot ng batas,” ani Inton.
Batay sa petisyon na inihiain ng LCSP sa Quezon City Regional Trial Court, labis na peligro ang nakaamba sa libo-libong commuters dahil sa naglipanang motorcycle taxis na hindi man lamang dumaan sa safety standards at walang maipakitang karanasan para sa operasyon ng ganitong uri ng transportasyon.
“Di puwedeng ikompara ang motorcycle taxi sa milk tea na nang mauso ay kay rami nang nagsulputan kahit mababa ang kalidad. Pero higit na mapanganib kung motorcycle taxi ang pinag-uusapan dahil buhay ng pasahero, buhay ng tao ang malalalagay sa peligro kung papayagan ang mga walang experience at walang track record na motorcycle taxi na makapasada,” ani Inton.
Ayon naman kay Fortun, hiniling nila sa petisyon ang kagyat na pagpapalabas ng restraining order upang mapigilan ang peligro sa mga pasahero, sa pangkalahatan, at mabahiran din ang isinasagawang pilot program.
“Anomang aksidente ng motorcycle taxi sa kritikal na panahong ito ay lubhang makaaapekto at makasasabotahe sa isinagawang pilot program,” dagdag ni Fortun.
Sa pagsisimula ng taon, ipinasa ng Mababang Kapulungan ang House Resolution No. 449 na humihikayat sa Department of Transportation (DoTR) na magpatupad ng pilot program na magpapahintulot, magmo-monitor at magbigay regulasyon sa operasyon ng rehistrado at organisadong motorcycles for hire bilang alternatibong transportasyon.
Dahil dito, bumuo ang DoTr team ng isang Technical Working Group (TWG) na binubuo ng kinatawan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang talakayin ang nasabing usapin hinggil sa posibilidad na gawing legal ang operasyon ng motorcycle taxis sa bansa.