TINIYAK ng organizers ng Southeast Asian Games (SEA) Games na bawat pisong ginastos para sa hosting ng Filipinas sa palarong ito ay walang bahid ng iregularidad, maayos at sumusunod sa mga patakaran ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay Ramon Suzara, chief operating officer ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), mali ang ginawang pagkokompara ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa paraan ng paggamit ng pondo sa SEA Games sa ginawa ni Janet Napoles sa pork barrel scandal na ginamit ang private foundations para maisakatuparan ang pandarambong.
“Bawat pisong nagastos ng PHISGOC ay ginamit lahat para sa kapakanan ng ating mga atleta at para sa matagumpay na hosting ng SEA Games,” ani Suzara.
“Puwedeng bisitahin ni Senator Lacson kahit anong oras ang world-class facilities at iba pang kagamitan para sa SEA Games para makita niya mismo kung paano maayos na nagamit ang pondo ng gobyerno para sa SEA Games.”
Sagot ito ni Suzara sa sinabi ni Lacson na ang paglipat ng P1.5 bilyong public funds sa PHISGOC na isang private foundation ay walang ipinagkaiba sa pork barrel scam ni Napoles.
Gayong isang private foundation ang PHISGOC, 80 percent ng mga miyembro nito ay galing sa gobyerno May sapat na representasyon ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POV) sa PHISGOC, dagdag ni Suzara.
Sinabi ni Suzara, nang humarap noon si Speaker Alan Peter Cayetano bilang chairman ng PHISGOC sa Senado, nakapagbigay siya ng breakdown ng sinasabi ni Lacson na P1.5 bilyong pondo.
Si Lacson din mismo ang nagsabi na tiniyak ni Cayetano sa mga senador na kinonsulta ang COA sa bawat hakbang na ginawa ng PHISGOC ukol sa paggamit ng pondo.
Walang bago sa papel ng PHISGOC sa SEA Games dahil ganito rin ang binuo ng gobyerno nang mag-host ang bansa ng SEA Games noong 2005. Ganito rin ang ginawa ng ibang bansa na nag-host ng SEA Games, ayon kay Suzara.
Pinaalala ni Suzara kay Lacson, naantala ang pagpasa noon ng 2019 national budget, na nakalatag ang pondo para sa SEA Games. Ito ang naging dahilan kung bakit nagkumahog ang PHISGOC sa paghahanda ng mga pasilidad na kailangang gastusan para sa SEA Games.
”Abril na nang mapirmahan ng Pangulo ang budget bill, kaya kulang pa sa anim na buwan ang naging paghahanda ng mga pasilidad na kailangang gastusan para sa SEA Games,” ani Suzara.
Ani Suzara, si Cayetano ang nagrekomenda sa Pangulo na ang Department of Budget and Management (DBM) ang maging procuring agency para sa SEA Games, kaya nga lamang ay kulang na sa panahon kaya kumilos na ang PHISGOC para maseguro na matutuloy ang pagsasagawa ng SEA Games sa bansa.
Dagdag ni Suzara, handa ang PHISGOC na humarap sa kahit anong imbestigasyon at audit ng COA para makita ng lahat na maayos ang paggamit ng pondo para sa SEA Games.
“Maganda rin ang suhestiyon ni Albay Rep. Joey Salceda na ang Senado na ang mag-imbestiga para maseguradong walang itinatago o kinikilingan sa gagawing imbestigasyon at walang magiging whitewash,” ani Suzara.
HATAW News Team
CAYETANO NAGBANTA
VS KRITIKO NG SEA GAMES
BINANTAAN ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kritiko ng PHISGOC na bubuweltahan niya pagkatapos ng SEA Games.
Aniya, handa siyang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa PHISGOC sa pagpapatakbo ng SEA Games.
“Humanda rin kayo sa imbestigasyon kasi ia-unmask ko rin kayo,” ani Cayetano
“Ako i-expose ko lang sila. Pababayaan ko na ang Filipino na buweltahan sila,” aniya.
Sa tanong na, “Kakasuhan n’yo ba?” ayon kay Cayetano maaaring maghain sila ng libel o cyberlibel sa mga nagkalat ng fake news.
“‘Yung nag-violate ng law na umabot sa libel at cyber libel, yes. It’s the obligation of course, I need the PHISGOC board to approve it. But my vote sa PHISGOC is that anything that tried to smear my name or any personality, okay lang kasi personal ‘yun. But if you try to smear the name of the SEA Games or of the country, dapat naman humarap ka,” paliwanag ni Cayetano sa interview kahapon.
Tinukoy ni Cayetano ang mga kumalat na, umano’y ‘fake news’ kagaya ng ‘kikiam’ at ‘yung swimming pool sa Nepal at hindi naman dito sa SEA Games.
Sa kabila ng mga reklamo ng mga dayuhan, sinabi ni Cayetano na maganda ang “hosting” ng PHISGOC sa SEA Games.
“First and foremost, this is going to be a great hosting and you will be very, very proud of your country, of your athletes once matapos ang Southeast Asian Games,” aniya.
Ayon sa speaker, tumatayong chairman ng PHISGOC, “hindi na kailangan manawagan ng kahit sino, ng imbestigasyon kasi sinabi ko na sa Senate, December 12 ready na ko, ako mismo ang haharap sa investigation.”
Aniya, haharap siya sa imbestigasyon kahit wala namang irregularities sa PHISGOC.
“Sabi po ng Palasyo kung may irregularities then there should be a investigation, but there is no irregularities despite that with our promise for transparency, haharapin namin lahat ‘yan,” ani Cayetano.
(GERRY BALDO)
PALASYO TATANGGAP
NG REKLAMO
VS SEA GAMES
MAAARING dumugin ang Palasyo ng mga mamamayan na may reklamo sa pag-organisa ng 30th Southeast Asian Games (SEAG).
Bunsod ito ng pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na iimbestigahan ng Malacañang ang mga aberya sa SEAG depende sa ihahaing reklamo sa Palasyo.
“Kung ano ‘yung reklamo, iyon ang iimbestigahan. Any complaint lodged in the Office of the President vis-à-vis any matter concerning the SEA Games will be subject for scrutiny,” ayon kay Panelo sa press briefing kahapon sa Palasyo.
Napauulat mula pa noong Sabado ang mga prehuwisyong naranasan ng mga lokal at dayuhang atleta mula sa transportasyon, accommodation, at pagkain.
Nauna nang sinabi ni Panelo hindi maiiwasang mahagip ng imbestigasyon ng Palasyo si Speaker at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHIISGOC) Chairman Alan Peter Cayetano.
Ang PHISGOC ang lokal na organizer ng SEA Games sa bansa.
Samantala, nagpanukala si Panelo na gawing libre o bigyan ng 50% ang mga estudyante na nais manood ng SEAG para suportahan ang mga atletang Pinoy.
“Kung ako ang tatanungin, personally, they should allow students na libre or kung hindi kayang libre, 50% discount – happy compromise,” aniya.
Ngunit imbes itaas ang morale ng Pinoy athletes ay tila minaliit ni Panelo ang “homecourt advantage” nila sa SEAG.
“Naniniwala ba kayo roon sa home court advantage? Kung totoo iyon ‘e ‘di lahat ng games panalo tayo dahil nasa home court tayong lahat,” ani Panelo.
Kaugnay nito, sinabi ni Pangulong Duterte sa ambush interview na ipamamahala sa militar ang pag-oorganisa sa mga susunod na international event na gaganapin sa bansa.
“The next time, the military will handle it. They are better oganizers,” anang Pangulo.
Iniutos niya ang pagbubuo ng task force para imbestigahan ang mga aberyang naganap sa SEA Games at naniniwala siyang dapat harapin ni Cayetano ang imbestigasyon sa PHISGOC.
Gayonman, tiniyak ng Pangulo na hindi sangkot sa korupsiyon si Cayetano.
(ROSE NOVENARIO)