KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ng isang 36-anyos lalaki makaraang saksakin ng kanyang step father matapos awatin ng biktima nang makita niyang sinasakal ang kanyang ina sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang inoobserbahan sa Tondo Medical Center (TMC) ang biktimang kinilalang si Gilbert Arizala, residente sa Javier II St., Brgy. Baritan ng nasabing lungsod sanhi ng tama ng saksak sa kanang bahagi ng katawan.
Agad naaresto ang suspek na kinilalang si Ernesto Ronquillo, 60 anyos, na nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/SSgt. Maedelio Osting, at P/SSgt. Jose Romeo Germinal II kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, dakong 6:00 pm nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mga biktima at suspek sa nasabing barangay.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nakita ng biktima na sinasakal ng suspek ang kanyang ina na naging dahilan upang awatin ang amain.
Gayonman, naglabas ng kitchen knife ang suspek at tinarakan sa katawan ang biktima at nang makita ni Robert Arizala, 34-anyos kapatid ng biktima ang pangyayari ay umawat saka sinunggaban ang hawak na patalim ni Ronquillo.
Matapos ang insidente, mabilis na isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan habang nadakip ang suspek ng nagrespondeng mga tauhan ng PCP-7 sa pangunguna ni PEMS Randy Santiago. (ROMMEL SALES)