PINANGUNAHAN ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang inagurasyon ng bagong mukha ng William A. Jones Memorial Bridge o Jones Bridge, na nag-uugnay sa Binondo, Ermita at Intramuros, kagabi, araw ng Linggo.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Moreno, ay kaunting alaala na pamana sa ating bansa na dapat pangalagaan at pahalagahan.
Pinasalamatan ng alkalde ang lahat na mga nagsikap at tumulong sa restorasyon ng Jones Bridge.
Kabilang dito ang nag-ukit sa replica ng La Madre Filipina na si Jerry Acuzar ng La Casas Acuzar, Eugene Ang na Presidente ng FCCCI, ang DENR, City Engineering Office sa pangunguna ni Engr. Armand Andres, Department of Public Service (DPS) at iba pang department heads.
Ayon sa alkalde, naging guiding factor ang kaisipan ng arkitektong si Juan Arellano na siyang gumawa sa Jones Bridge na ihalintulad ang nasabing tulay sa Paris kaya naman tinagurian ito bilang “Paris of the East.”
Malaking bagay din aniyang nabanggit ni Acuzar na dapat ibalik ang estatuwa ng La Madre Filipina kaya naman nang malaman nito ang kasaysayan ay agad niyang kinausap ang pamunuan ng National Parks Development Committee (NPDC) upang maibalik ang isang estatwa na nasa kanilang pangangalaga.
Sinabi ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, ang Jones Bridge ang sumisimbolo sa pagsisikap na ibangon at pasiglahin ang kabisersang lungsod ng bansa.