DALAWANG bagay na gusto namin kay Alden Richards, honest at down to earth kahit kinikilala na siyang Asia’s Multi Media actor at kokoronahan pang Box Office King 2019 dahil sa pagiging giant hit ng Hello, Love, Goodbye na pinagtambalan nila ni Kathryn Bernardo.
Dagdag pa ang dalawang award na natanggap nito ng magkasunod na taon.
Hinangaan din namin ang pag-amin niyang nahihirapan ang kanyang prime-time series na The Gift na makipaglaban sa ratings ng katapat na programa sa ABS-CBN, ang Starla na bida si Judy Ann Santos.
Base sa NUTAM People Ratings mula October 21 to 25, hindi pumapalo sa double digits ang ratings ng The Gift kompara sa ratings ng Starla.
“We have to admit that we really struggle, pero as long as we’re being able to deliver a good message naman through the story, ‘yun naman talaga ‘yung objective ng ‘The Gift’ since we started, eh,” pahayag nito.
Inamin nito na talagang ginagawa nila ang kanilang makakaya at talagang wala silang humpay sa pagpapaganda ng istorya ng kanilang teleserye. Lahat sila ay nagtutulungan sa creative side ng serye.
“Ganoon ‘yung ginagawa namin but masaya naman kami. We’re very happy with the result of ‘The Gift’ and the effect on it sa mga tao and everyone who’s watching it.”
Kaya lang may plano ang management na ipasok si Bong Revilla sa naturang serye pero sinalubong daw ito ng pag-ayaw ng fans ni Alden. Nagmamatigas ang mga ito na kahit guest role lang si Senador Bong na any moment kung gustong tigbakin ang kanyang karakter ay madali lang gawin.
Pero may karagdagang tsika na kung pagdedesisyona na ng network na tigbakin ang kanyang karakter ay nakaplanong si Maine Mendoza ang ipasok.
Isang beterano at respetadong manunulat ang aming nakausap at sinabing nanganganib na ang serye ni Alden. Ibig sabihin, malapit nang tapusin.
“Tagilid na eh, huwag nang hintayin pang tumaob. Tapusin na at palitan ng isang mas magandang proyekyo,” mataray na say ng aming kausap.
Kapag nagkataon ay malaking dagok sa karir ni Alden na pagkatapos na tumaas nang husto biglang bulusok pababa.
(Alex Datu)