HINDI sustenable ang ebidensiyang iniharap ng kampo ng tinaguriang ‘lord of scents’ na si Joel Cruz laban sa Brunei-based businesswoman na si Kathelyn dela Cruz Dupaya kaya ibinasura ng piskalya ng Quezon City ang kasong estafa laban sa huli.
Sa resolusyong inilabas ng piskalya, isinaad na “The case lacks any evidence of any false pretense or fraudulent act of which respondent committed prior to or simultaneously with the commission of the fraud. Nowhere in the complaint-affidavit nor in the attached Annexes and other pleadings offered by the complainant can we find any clear act of respondent that would constitute as deceit.”
Isinaad din sa resolusyon na matapos ang maingat na pagsusuri sa mga ebidensiyang iniharap ng mga abogado ni Cruz, walang nakitang probable cause o posibleng dahilan ang piskalya para isampa ang kasong estafa laban sa respondent na si Dupaya.
Ikinatuwa ng respondent na si Dupaya ang pagkakabasura ng reklamong estafa laban sa kanya ng tinaguriang ‘lord of scent’ dahil sa totoo umano halos sobra pa ang naibalik niyang pera kay Cruz nang patawan ng 1% interests kada araw ang perang hindi niya naibabalik.
Magugunitang, kinasuhan ni Cruz ang negosyanteng nakabase sa Brunei dahil sa umano’y ‘tinangay’ na halos P40 milyones sa kanya.
Sinabi noon ni Cruz, nabigo siya na makolekta ang kaniyang investment at tubo sa mga negosyo ni Dupaya sa Brunei.
Sa panayam sinabi ni Cruz noon, “Starting December 5, 2017 up to now, wala na siyang ibinigay na interes na promise niya may 6 percent interest doon… It’s Philippine money, P29,750,000 plus US$200,000 [ang ipinuhunan ko],” ani Cruz.
“Kung nasa P52 ngayon ang rate, nasa P40 million na lahat-lahat.”
Bumuwelta noon ang negosyanteng si Kathy Dupaya sa ikinasong estafa laban sa kaniya ni Cruz.
Giit ni Dupaya, nahuhuli lang umano ang pagbabayad niya sa mga namuhunan sa kaniya dahil atrasado rin ang koleksiyon niya pero kumita naman ang investments nila.
Handa umano siyang harapin ang estafa na isinampa sa kaniya ni Joel Cruz.
Dagdag ni Dupaya, nahihirapan daw siya sa one percent kada araw na ipinataw ni Cruz na interest sa mga delayed payment.
Reklamo ng negosyante, niloko siya ng ‘lord of scent’ matapos pagbentahan ng expired na mga pabango.
“Lahat ng ipinadala niyang perfume, expired. Wala rin akong BIR receipt,” ani Dupaya.
Sa pagkakabasura ng kasong estafa laban kay Dupaya, sinabi niyang, “the truth always prevails.”