ARESTADO ang siyam katao na nasa drug watchlist ng pulisya sa isinagawang magkahiwalay na buy bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ni P/SSgt. Carlos Erasquin, Jr., dakong 11:30 pm nang isagawa ng mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation sa bahay ng suspek na kinilalang si John Sese, alyas Adiong, 34 anyos, residente sa Pitacion St., Elysian Subd., Brgy. Marulas.
Nagawang makaiskor ni P/Cpl. Arvin Lirag na nagpanggap na poseur-buyer ng isang sachet ng shabu sa suspek kapalit ng P200 marked money at nang magbigay ng signal na nagkaabutan na, agad sumugod ang back-up na mga operatiba saka sinunggaban si Sese, kasama si Nicanora Temblique, alyas Nica, 29 anyos, barista.
Narekober kay Sese ang isang coin purse na naglalaman ng 14 plastic sachets ng shabu, buy bust money, P400 cash at maliit na timbangan.
Natimbog din si Melvin Cabuyao, 30, at Jestoni Salayong, 32, flagman, matapos makuhaan ng tig-isang sachet ng shabu.
Samantala, nasakote rin ng mga operatiba ng SDEU Team 4 sa buy bust operation sa Block 2 Lot 16 De Gula Compound, Gen. T. De Leon, dakong 11:30 pm si John Michael Ogsimer, alyas Kamote, 26 anyos, Adrian Nonato, 20 anyos, Rody Ogsimer, 53 anyos, Darwin Macaalay, 37 anyos, at Renemar Agag, 40.
Nakompiska sa mga suspek ang isang plastic sachet ng shabu, at isang nakabukas na sachet ng shabu, P300 buy bust money, P200 cash at ilang drug paraphernalia.
(ROMMEL SALES)