ISANG lider manggagawa at coordinator ng Makabayan nitong nakaraang halalan, Mayo 2019 ang pinaslang sa lungsod ng Cabuyao, sa lalawigan ng Laguna nitong Lunes ng gabi, 5 Nobyembre.
Sa ulat mula sa Laguna police, naglalakad ang biktimang kinilalang si Reynaldo Malaborbor, 61 anyos, kasama ang kaniyang asawa malapit sa kanilang tahanan sa Bgy. Banay-Banay nang barilin ng suspek mula sa likuran dakong 9:30 pm.
Ayon sa pulisya, agad tumakbo palayo ang suspek.
Sa isang pahayag, mariing kinondena nina Bayan Muna chairman Neri Colmenares at party-list representative Carlos Isagani Zarate ang anila’y “extrajudicial” na pagpatay kay Malaborbor.
Naniniwala ang grupo nina Colmenares at Zarate, ito ay bahagi ng “de facto martial law” na unti-unting gumagapang papasok sa mga komunidad.
Miyembro si Malaborbor ng Alyansa ng mga Manggagawa sa Pook Industriyal ng Laguna (AMPIL) bago siya naaresto noong 2010 kasama ng limang iba pang aktibista sa bayan ng Lumban, sa hinalang may kaugnayan siya sa New People’s Army (NPA).
Nakalaya si Malaborbor at ang iba niyang kasama na tinaguriang “Lumban 6” noong taong 2015.
Noong Hulyo 2019, inaresto ng pulisya at militar ang anak ni Malaborbor na si Irvine sa lalawigan ng Occidental Mindoro dahil sa paratang na siya umano ay NPA intelligence officer at sinampahan din ng kasong illegal possession of firearms.