ISINUGOD sa pagamutan ang hindi bababa sa 30 internally displaced persons (IDPs) mula sa mga evacuation center ng bayan ng Malasila sa lalawigan ng Cotabato dahil sa pagsusuka at pagtatae.
Ayon kay Cotabato Acting Vice Governor Shirlyn Macasarte, namumuno sa Incident Management Team (IMT), agad dinala ang mga bakwit sa kalapit na mga pagamutan upang malapatan ng lunas.
Kinilala ang isang biktimang si Celestino Lagumbay, 81 anyos, bakwit mula sa Bgy. Sto. Niño at pansamantalang nananatili sa Patulangon evacuation center na dumaing ng matinding pananakit ng tiyan at pagsusuka matapos kumain ng kanin at ulam na karneng baboy na nakalagay sa lunch box.
Ayon kay Lagumbay, dinala sa Makilala Medical Specialists’ Center, nagsimula ang pananakit ng kaniyang tiyan at pagsusuka 25 minuto matapos kumain ng packed lunch na bigay ng kaniyang kapitbahay.
Nakaranas umano ng pagtatae at pagsusuka ang kaniyang asawang si Bienvenida, 71, ngunit tumangging magpadala sa pagamutan dahil magkukulang umano ang kanilang pera kung dalawa silang maoospital.
Dagdag niya, lima silang nasa loob ng kanilang mga tent ang kumain ng packed lunch at lahat sila ay nakaranas ng pagsusuka at pagtatae, at hinimatay pa umano ang dalawa sa kanila dahil sa matinding sakit ng tiyan.
Dinala ang ibang mga pasyenre sa Cotabato Provincial Hospital sa bayan ng Amas, habang ang iba ay pinayagan nang bumalik sa evacuation area. Dahil sa insidente, hindi na pinayagan ng IMT ang pagbibigay ng ‘hot meals’ sa mga evacuation center.
Ani Macasarte, inutusan niya ang kaniyang mga staff na bantayan ang kalagayan ng mga pasyente.
Sasagutin din ni Macasarte ang bayarin ng mga pasyenteng dinala sa mga pribadong pagamutan.