“BATUGAN ka! Kung hindi ka batugan, namomolitiko ka!”
Ito ang tahasang sinabi ni Manila Mayor Francisco ”Isko Moreno” Domagoso sa kanyang capital report kaugnay sa mga barangay chairman na pasaway.
Partikular na tinukoy ng alkalde si Chairman Raul Marasigan ng Barangay 628 Zone 63 sakop ng Sta. Mesa, Maynila matapos siyang i-report ng netizen kaugnay sa tambak na debris sa kanyang nasasakupan na hindi nililinis.
Sinabi ng alkalde, hindi ordinaryong basura ang nakatambak dahil mga debris na imposibleng hindi alam ng barangay upang ito ay mahakot o mai-report man lamang sa tanggapan ng Department of Public Safety (DPS).
Patunay anang alkalde na pananabotahe ang ginagawa ni Marasigan lalo pa’t hindi niya kakampi upang palabasin na walang ginagawa ang kasalukuyang gobyerno ng Maynila upang ang paninisi ay sa alkalde ng lungsod maipupukol.
“Di mo inire-report para ang tingin ng iba, ang bagong administrasyon ang mayor ng Maynila ang sisisihin at sasabihing walang kuwenta at walang ginagawa,” sambit ng alkalde tungkol kay Marasigan.
Dagdag ng alkalde, mayroon pang ibang tserman na pasaway tulad ni Chairman Nimpa Medalya ng Kagitingan, Tondo dahil umano sa kanyang pamomolitika dahil sa ginawang clearing operations sa kanyang nasasakupang barangay.
Kabilang din si Medalya sa 99 barangay chairmen na pinadalhan ng show cause order ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Paliwanag ng alkalde, isa sa pangunahing obligasyon ng mga inihalal na opisyal ng gobyerno ang panatilihing malinis, maayos, payapa at may kapanatagan sa lungsod kaya dapat maglingkod at gawin ang tungkulin bilang isang barangay chairman.
Sa huli, inirekomenda ng alkalde sa DILG na kapwa kasuhan ang mga pasaway na barangay chairman kasama sina Marasigan at Medalya.