MINASO at winasak ng mga pulis ng Police Regional Office 4-A (PRO 4-A) Office of the Regional Director Action Team ang mahigit 300-piraso ng ipinagbabawal na video karera at fruit game sa Calabarzon.
Base sa ulat ni PRO4-A Regional Director (RD) General Vicente Danao, nakompiska ng mga pulis ang 252 piraso ng VK at FG mula sa limang probinsiya na kanyang nasasakupan na ang pinakamarami ay sa Laguna at Batangas.
Sa ginawang inspeksiyon ni Danao sa mga nakompiskang makina, nadiskubre na ang mga makina mula sa Cavite ay walang laman na motherboard at haper, mahahalagang piyesang nagkokontrol sa bawat makina.
Dahil dito, sinibak ni Danao ang hindi pinangalanang mataas na opisyal sa Cavite Provincial Police Office partikular sa Intelligence Division dahil sa hindi maayos na pagsunod at pagpapatupad ng “trabahong totoo” na kanyang direktiba.
“Kung sa simpleng panghuhuli ng mga illegal gambling partikular ng VK ay hindi maaasahan ang ilang opisyal e what can we expect them to do especially in anti- criminality and war on drugs,” ani Danao.
“We will not tolerate any wrong doings ng pulis dahil may gobyerno na rito sa Calabarzon, nagawa natin ang mga ‘yan na iayos ang Maynila at batasin ang mga pulis-Maynila kaya there’s no reason na hindi natin magawa dito sa probinsya,” dagdag ni Danao.
Nabatid, hindi magdadalawang-isip si Danao na muling magsibak ng mas mataas pang mga opisyal sa kanyang nasasakupan sa oras na hindi sumunod sa kanyang kautusan para sa kapakanan ng mga kababayan sa Calabarzon.
Nakatakda rin pulungin ni Danao ang mga matagal nang nanungkulang provincial directors sa Calabarzon patungkol sa mga natanggap niyang impormasyon kaugnay sa talamak na kalakaran ng droga sa limang probinsiya.
(BRIAN BILASANO)