HINDI nakaligtas sa kamatayan ang Mindanao-based radio station manager na si Benjie Caballero, limang beses binaril ng isa sa dalawang hindi kilalang suspek dakong 1:15 pm, kahapon , 30 Oktubre, sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Ang ulat ng pagkamatay ni Caballero ay inihayag ng Aninaw Productions sa kanilang social media page kasabay ng pagkondena sa pag-atake laban sa mga mamamahayag at bilang paninindigan sa kalayaan sa pamamahayag.
Ang biktimang si Caballero, 38 anyos, ay sinabing acting station manager ng Radyo ni Juan FM at provincial stringer para sa Remate tabloid.
Napag-alaman na nanunungkulan din si Caballero bilang pangulo ng Sultan Kudarat Provincial Task Force on Media Security.
Sa ulat ng pulisya, naghihintay si Caballero ng masasakyan sa harap ng kaniyang bahay dakong 1:00 pm nang lapitan at pagbabarilin ng isang lalaki.
Nabatid na naninirahan si Caballero sa isang boarding house sa Barangay New Isabela, sa naturang lungsod.
Ayon sa tricycle driver na nakasaksi sa insidente, limang beses pinaputukan ng isa sa mga suspek si Caballero.
Nang tumakas ang mga suspek, dinala ng ilang residente ang biktima sa isang lokal na ospital.
Naunang iniulat na nasa kritikal na kondisyon si Caballero sa isang ospital.
Sa isang social media post, ipinahayag ng executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na si Joel Egco, “I hope and pray you are okay my friend Benjie Caballero, we are on it.”
Dagdag ni Egco, may nakausap siya mula sa pagamutang pinagdalhan kay Caballero at sinabing buhay ngunit nasa kritikal na kondisyon ang mamamahayag.
Sinabi ni Allan Freno, information officer ng lungsod ng Tacurong, labis na nagulat si Tacurong Mayor Angelo Montilla nang malamang binaril si Caballero.
Ani Freno, angkas ng isang motorsiklo ang suspek na bumaril kay Caballero.
Sa tala ng lokal na pulisya, nakatanggap ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay si Caballero bago ang pamamaril.
Pagtatapos ni Freno, dumalo pa sa ‘kapihan’ o news briefing ng pamahalaang lungsod si Caballero nitong Lunes, 28 Oktubre.
Magugunitang nitong 20 Oktubre, pinaslang ang kolumnista ng Remate na si Jupiter Gonzales sa tapat ng isang peryahan sa Arayat, Pampanga.
Ayon kay Egco, si Jupiter ay masugid na kritiko ng mga ilegal na pasugalan.