SA LIKOD ng mga ngiti ng isang opisyal sa Malacañang ay may nakatagong maitim na lihim na iilan lang ang nakaaalam.
Nabatid ng HATAW sa source, isang opisyal sa Malacañang ang parang milyonaryo kung magwaldas ng pera ng bayan para sa hilig niya sa pag-inom ng alak, paglilimayon sa iba’t ibang parte ng bansa at maging sa abroad.
Dagdag ng source, madalang pa sa patak ng ulan kung magpunta sa kanyang tanggapan ang Palace executive kaya ang kanyang mga staff, na halos lahat ay maikakategoryang millennials, ay pinagre-report sa kanyang condo unit sa katimugang bahagi ng Metro Manila, matapos ang maghapong pagtatrabaho sa kanilang opisina sa San Miguel, Maynila.
Ang siste ni Palace exec, anang source, yayayain magpakalasing ang kanyang mga tauhan at kapag wala na sa wisyo sa epekto ng alak ay ginagawan ng ‘milagro’ ang kanyang kalalakihang staff.
Para umao hindi halata na ‘berde’ ang dugo ng Palace exec ay pinasasama niya ang kababaihang staff para hindi bistado ang mga kamalasadohang ginagawa niya sa boylet staff.
Giit ng source, hindi makapalag ang mga staff kay Palace exec dahil bukod sa inuulan sila ng PI (pagmumura) pinagbabantaan silang tatanggalin sa trabaho at may iba siyang puwedeng gawin sa kanila kapag sumingaw ang kanilang ‘dark secrets’ sa condo.
“Ipinagmamalaki aniya na malakas siya sa mataas na opisyal ng bansa, kababayan niya, at family friend pa nila, paano sila makapapalag sa mga gusto niya?” anang source.
Nakaamba aniyang maluklok na bossing sa isang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa impormasyon ang sinasabing Palace exec kaya lalo silang natatakot sa impluwensiyang taglay.
“Bago sana siya magpanggap na gustong i-rehab ang nasyon, ang sarili muna niya ang ipa-rehab niya,” wika ng source.
(ROSE NOVENARIO)