HANDANG magbigay si Zamboanga del Sur Governor Victor Yu ng P1 milyong pabuya sa makapagbibigay ng impormasyo0n sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga dumukot sa mag-asawang Hyrons sa bayan ng Tukuran noong Biyernes ng gabi, 4 Oktubre.
Sa isang pahayag, sinabi ni Yu, umaasa siyang mapabibilis ang pagliligtas sa mga biktima kung mag-aalok siya ng pabuya.
Nanawagan si Yu sa publiko na sabihin sa kanilang provincial information office ang impormasyon ukol sa insidente.
Dinukot ng apat na armadong lalaki ang British national na si Allan Arthur Hyrons, 70, at kaniyang asawang Pinay na si Wilma Paglinawan Hyrons sa kanilang beach resort sa Barangay Alindahaw dakong 7:00 pm nitong Biyernes, 4 Oktubre.
Isinakay ng mga ssuspek ang mag-asawa sa dalawang nag-aabang na bangkang de motor.
Ayon sa mga nakasaksi, umandar patungo sa Yllana Bay ang isang bangka habang papuntang Sultan Naga Dimappro sa Lanao del Norte ang isa.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin alam kung saan dinala ang mga biktima.
Ayon kay P/Capt. Nursaibar Mahadi, hepe ng Tukuran police, wala pang natatanggap na komunikasyon ang mga kaanak o empleyado ng mga biktima mula sa mga dumukot sa kanila.
Ayon kay Rosalie Decierdo, empleyado ng resort, kararating ng mag-asawa nang lapitan ng isang lalaki si Allan at paluin siya sa batok gamit ang baril at kinaladkad patungo sa dagat.
Dagdag ni Decierdo, dumating ang tatlong lalaki at tumulong na kaldakarin ang Briton at ang asawang si Wilma.
Nang makita ang komosyon, sinubukang pumagitna ng isang kustomer ng resort ngunit umatras din nang tutukan ng baril ng isa sa mga suspek.
Sinabi ni Decierdo, dalawa sa mga suspek ay nasa resort na noong Huwebes (3 Oktubre) pa lamang at nagbayad para sa ‘overnight stay’ ngunit walang record ang resort sa pagkakakilanlan nito.
Sumunod ang dalawa pang suspek noong Biyernes ng hapon (4 Oktubre).
Bukod sa beach resort, pagmamay-ari rin ng mag-asawa ang Hyron’s College sa Barangay Santo Niño at 15 taon nang naninirahan sa naturang bayan.
Ipinahayag ni Tukuran Mayor Macario Tingson, matagal na niyang binalaan ang mag-asawang Hyron na mag-ingat dahil maaaring maging target ng pagdukot si Allan dahil sa pagiging dayuhan at negosyante.
Hindi ito sineryoso ng mag-asawa at sinabi ni Wilma na mas maigi pang mamatay sila dahil wala umano silang perang ibibigay sa mga kidnapper.
Dagdag ng alkalde, nakiusap siya sa pulisya noong Hulyo na bantayan ang resort tuwing Sabado at Linggo.
Noong Sabado (5 Oktubre), ipinag-utos ni Western Mindanao Command (Westmincom) chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang manhunt operation upang matunton ang mga kidnapper.
Dagdag ni Sobejana, may standing instructions ang mga military unit sa ilalim ng Westmincom na hanapin at masegurong ligtas ang kalagayan ng mga Hyron.
Samantala, pinalakas ng Sultan Naga Dimaporo (SND) police ang kanilang pagbabantay sa mga coastal barangay matapos makatanggap ng paunang ulat na isa sa mga getaway boat ay patungo sa bayang kalapit ng Tukuran.
Ayon kay P/Maj. Javier Tanog, SND police chief, nakikipagtulungan sila sa Philippine Coast Guard at sa Army sa lugar upang tingnan kung may mga kahinahinalang mga grupo at aktibidad.