SA MASASABING kakaibang breakthrough ng mga siyentista na makatutulong nang malaki sa pag-aaruga ng ating supling o sanggol, nagawang lumikha ng mga researcher sa southern England ng kauna-unahang halaman sa mundo na nakapagpo-produce ng breast milk o ‘gatas ng ina.’
Ayon sa inisyal na ulat, nagawa ng nasabing mga ‘brainiac’ na nasa likod ng pag-aaral na makapag-engineer ng mga halaman na lumilikha ng isang langis na kahintulad ang chemical structure ng human milk fat, na pangunahing sangkap ng breast milk.
Ang nasabing pagkakadiskubre ay sinasabing magbubukas ng ilang mahahalagang bagay para sa kinabukasan ng ‘bottle feeding’ sa mga sanggol—na may potensiyal makagawa ng cost effective na kopya ng gatas ng tao para sa ating mga baby.
Para sa mga hindi sapat ang kaalaman dito, nakatutulong ang natural na fat molecule ng gatas ng tao, na kung tawagin ay triacylglycerol, sa mga sanggol na ma-digest ang mga nutrient na kanilang kailangan para lumaki nang malusog. Kaya ang pag-replicate nito mula sa isang halaman ay maaaring maging ground-breaking para sa mga babaeng hindi magawang makapagpa-breastfeed.
Ayon sa mga siyentista, bibihira sa infant formula ang naglalaman ng katulad na tinutukoy nilang molecule, kaya maaaring idagdag itong sangkap sa kanilang produksiyon — na ang kahulugan ay mas madaling maa-absorb ng mga baby ang kanilang formula milk nang mas maigi.
Isinagawa ang innovative project na ito sa Rothamstead Research sa Hertfordshire sa Inglatera, na isa sa pinakamatandang agricultural research institution sa buong mundo.
Idiniin ng mga researcher sa Rothamstead na naniniwala silang tunay na pinakamainam ang breast milk para sa mga sanggol, ngunit ang kanilang breakthrough ay maaaring magbigay-daan sa malaking pag-unlad ng lahat ng uri ng milk formula para sa mga sanggol na nangangailangan nito.
Wika ng lead researcher na si Dr. Peter Eastmond: “Virtually all other organisms don’t have fat with the same structure as human milk fat, no plants do, and very few yeasts, fungi or microbes do either. My hope is that if we can find cheaper methods to produce fat that more closely resembles the structure of human milk fat, then it will be an ingredient more widely used in infant formulas and at a lower cost. It could improve infant formulas in the future.”
Kinalap ni Tracy Cabrera