IMBES makabili ng bahay, naghihimas ng malamig na rehas sa kulungan ang isang security guard na nabigong holdapin ang binabantayng banko sa lungsod ng Sta. Rosa, lalawigan ng Laguna, nitong Lunes ng umaga, 7 Oktubre.
Sa ulat ng pulisya, kabubukas ng Prestige Bank pasado 9:00 am, nang magdeklara ng holdap ang guwardiyang kinilalang si Romeo Dimaano Jr., 34 anyos, at inutusan ang mga teller na ilagay sa kaniyang bag ang mga salapi.
Ayon kay P/Lt. Col. Eugene Orate, Sta. Rosa police chief, inakala ng mga teller na nagbibiro ang suspek ngunit napagtanto nilang seryoso si Dimaano nang tutukan sila ng baril.
Dagdag ni Orate, nalinlang ng isa sa mga teller si Dimaano nang sabihing magpunta sa mas malapit sa vault kaya nakatakas ang isang teller at nakahingi ng tulong sa labas.
Nang dumating ang mga pulis, nakita nilang nasa baldosa na si Dimaano at nadisarmahan ng mga empleyado sa banko.
Walang nasaktan sa insidente ngunit nakaranas ng trauma ang mga empleyado, ayon sa pulisya.
Habang nasa inquest, sinabi ni Orate na halatang ninenerbiyos si Dimaano at nang tanungin kung bakit niya ginawang pagnakawan ang binabantayang banko, sumagot ang suspek na kailangan niya ng pera upang makabili ng bahay ngunit siya’y nabulilyaso.