NADISKUBRE ng mga archaeologist ang isang 5,000-year-old city at isang 7,000 year old religious temple sa northern Israel.
Ayon sa mga eksperto mula Israel Antiquities Authority, ang siyudad ay mailalarawan bilang “Early Bronze Age New York” ng rehiyon na may lawak na 160 acres at kayang umukopa ng 6,000 katao.
Sinabi nina Israel Antiquities Authority directors Dr. Ytzhak Paz at Dr. Dina Shalem na dahil sa nasabing discovery, magbabago ang ating nalalaman tungkol sa pagsisimula ng urbanisasyon sa Israel.
Habang nagsasagawa ng excavations sa ilalim ng mga bahay sa siyudad, natagpuan ng mga archaeologists ang isang religious temple.
Puno ito ng mga ebidensiya mula sa iba’t ibang religious rituals kabilang ang isang large stone basin na ginagamit na lagayan ng mga likido, sunog na mga buto ng hayop na maaaring ginamit bilang pang-alay at mga pigura.
Maliban dito, mayroon din nakitang pottery fragments, at basalt stone vessels.
Naniniwala ang archaeologists na ang dalawang bukal na nanggagaling sa area ang nakapukaw sa atensiyon ng mga tao patungo sa siyudad na pinaniniwalaang namuhay sa agrikultura at nakipag-trade sa iba’t ibang rehiyon.