IGINIIT ni Capiz Congressman Fredenil Castro ang paghingi ng paumanhin ni Sen. Panfilo Lacson sa buong institusyon ng Kamara at sa mga mambabatas nito dahil sa kanyang mga mali at walang basehang paratang na may dagdag na pondo umano ang nakalakip sa proposed 2020 national budget para sa deputy speakers at iba pang kongresista.
Bilang kinatawan ng Kamara, sinabi ni Castro, dapat agad mag-sorry si Lacson dahil napatunayan palang “wala naman ni katiting na katotohanan” ang mga alegasyon niyang may P1.5 bilyong dagdag na pondo ‘daw’ ang bawat deputy speaker, at P700 milyon ang bawat kongresista sa 2020 national budget.
“Tulad ng nauna ko nang nasabi, hindi tayo mga batang musmos dito sa Kongreso na basta na lang magtuturo at magbibintang nang walang basehan. Ang unang pinakamarangal na gawin ni Senador Ping Lacson ngayong nakita naman nating walang katotohanan ang kanyang mga sinasabi ay humingi ng paumanhin sa mga mambabatas na miyembro ng institusyon ng House of Representatives,” ani Castro.
Bilang isang “gentleman” at kapwa mambabatas, isang moral duty ni Lacson na aminin ang kanyang pagkakamali, dagdag ni Castro.
Sinabi ito ni Castro, matapos biglang baliktarin ni Lacson ang kanyang mga pahayag at sinabing imbes mabigyan ng mga dagdag na pondo ang bawat deputy speaker at iba pang mga kongresista, hindi na raw ito itinuloy.
Ayon kay Lacson, napag-alaman niyang hindi na raw pala itinuloy ang plano bago pa ito naiulat sa media.
“Sen. Ping, halatang-halata namang palusot mo na itong bago mong sinasabi. Aminin mong nakoryente ka. Kaya’t mag-sorry ka sa amin dahil ang mga mali mong alegasyon ay nakasisira hindi lamang sa reputasyon ng bawat mambabatas, kundi sa imahen ng institusyon ng Kongreso,” ayon kay Castro.
Aniya, makatitiyak ang publiko, sa ilalim ni Speaker Alan Peter Cayetano, walang makalulusot na pork o illegal insertions sa national budget.
Nauna rito, sinabi ni Deputy Speaker for Good Governance and Moral Uprightness Bro. Eddie Villanueva ng CIBAC party-list pawang kasinungalingan ang mga naunang alegasyon ni Lacson.
Ayon kay Villanueva, ang paratang ni Lacson ay isang “big, big lie!”
Sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Lacson, at hiniling sa senador na pangalanan niya ang pinagkuhaan ng maling impormasyon.
Para kay Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla, nagtataka siya kung saan nakuha ni Lacson ang mga paratang na para bang ang punto ay siraan lamang ang imahen ng Kamara imbes makipagtulungan para maisulong ang mga programang pangreporma ng Pangulo.
HATAW News Team