Grabeng masyado ang problema ng trapiko sa EDSA na kung titingnan natin ay wala nang lunas o kumbaga sa cancer ay nasa terminal stage na. Walang magagawa ang karunungan ng tao at bukod-tanging Diyos na lamang ang pag-asa upang maisalba at maresolba.
Napakaraming tao na ang nagbigay ng kuro-kuro, suhestiyon, at proposal sa problemang ito ngunit wa epek ang lahat bagkus ay lalo pang gumulo at lumala ang situwasyon.
Hindi lang naman basta karaniwang tao ang sumubok na maresolba ang problema ng trapiko sa EDSA. Sila ay mga senador, congressman, kawani sa gobyerno at traffic enforcers na may kanya-kanyang ebaluwasyon at pag-aaral hinggil sa nasabing problema.
Sa rami ng kanilang pinagsasabi ay wala rin nangyari dahil walang pinagbago ang situwasyon. Sinayang lang nila ang oras at panahon sa pag-iiskrimahan ng laway sa kanilang talakayan na wala palang sustansiya. He…he…he
Ultimo traffic enforcers sa pamamahala ng MMDA ay nagmistulang mga patay na lukan. Sila na rin ang umurong at sumuko sa nasabing problema. Aminado silang hindi nila kakayanin at maaayos pa ang trapiko kung kaya’t hindi na nila pinagtagal at ‘di na pinalawig ang kanilang pamamahala.
Ilan taon din iyon ha, anyare?
Sa kasalukuyan ay ipinamahala nila ang problema sa Highway Patrol Group (HPG) na parang mga props lang. Maganda lang sila sa paningin dahil sa kanilang magarang uniporme at sombrerong akala mo’y mga cowboy sa Texas.
Iba rin ang kanilang tindig dahil sa naglalakihan nilang motorsiklo. Tutal ay mukha naman kayong mga cowboy, mas maganda siguro kung sa kabayo na lang kayo sumakay imbes sa motorsiklo. Tiyak at sigurado kayong lalong mapapansin.
Sa ngayon ay hindi pa kayo puwedeng hatulan base sa inyong performance dahil wala pa naman kayong isang buwan sa inyong bagong assignment. Bawas lang sa porma at magkaroon kayo ng plataporma.
Harinawa’y magkaroon ng kaayusan at sistema sa EDSA sa inyong pamamahala. Hindi man maresolba ang problema, sana’y makakita naman kami maski na konting pagbabago.
Ilan dekada na rin ang problemang ito, ilang Pangulo na rin ang nahalal at naupo ngunit parang inaadyang ganoon pa rin ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA. ‘Di po ba?
Ang EDSA ngayon ay unang tinawag noong araw na Hiway 54. Ito ay maluwag, maayos at para bang ikaw ay nagdaraan sa skyway o dili kaya’y sa NLEX at SLEX.
Sa paglipas ng panahon ay unti-unti itong napuno na ng sasakyan na matik din naman na mangyari nguni’t dapat ay naantisipa agad nang maaga ng mga kinauukulan ang puwedeng mangyari pagdating ng panahon, dapat sana ay napag-aralan nang maaga ang kahihinatnan nito.
Ilan taon at dekada na ang lumipas ay hindi nakitaan ng pagbabago ang nasabing lugar. Ilang administrasyon na rin ang nagdaan at namahala ngunit ito ay wa epek.
Ang tanong ngayon, kung may lunas pa kaya sa sakit na taglay nito o ituring na cancer na nasa terminal stage na. Kung hindi na kayang solusyonan ng tao ay wala na tayong dapat na asahan kundi ang Panginoong Diyos.
If management won’t, God will provide.
YANIG
ni Bong Ramos