SUMUKO kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lalaking live-in partner na namalo ng martilyo sa ulo ng babaeng empleyado ng Manila City Hall, kamakalawa ng gabi.
Sa Facebook live ni Moreno, mapapanood ang pagpunta ng kanyang grupo sa isang lugar sa Cavite bago 11:30 pm nitong Martes, 24 Setyembre.
Sumuko ang suspek na si Eric Capulong, 46, kinakasama ng biktimang si Connie Beldad, 39, at tauhan ng Manila Traffic ang Parking Bureau (MTPB).
Nagtago si Capulong sa bahay ng kapatid na babae pero kalaunan ay ipinarating sa alkalde ang pagnanais na sumuko.
Tiniyak ni Mayor Isko ang kaligtasan ni Capulong na dinala sa Manila Police District.
Ayon sa alkalde, mabuting sumuko ang suspek para maayos niyang maharap ang kaso ng pagpatay sa kanyang kinakasama.
Dagdag ni Moreno, tutulungan nila ang mga anak ng dalawa sa pamamagitan ng DSWD sa lungsod at magbibigay sila ng tulong pinansiyal sa pamilya ng biktima.
Lunes ng gabi nang makita ang duguang bangkay ni Beldad sa bahay nila ng suspek sa Tondo, Maynila.
Nakita sa lababo ng bahay ang martilyo na sinasabing ginamit sa pagpatay kay Beldad.
Kuha sa CCTV ng Barangay 145 sa Tondo ang pagtakas ni Capulong dala ang mga anak nila ng biktima.
Sinabing selos ang dahilan ng pagpaslang dahil inakusahan ni Capulong ang kinakasama na may ibang lalaki.
Ayon sa ilang kapitbahay, narinig nilang nag-away ang dalawa at sumisigaw si Beldad na wala siyang lalaki.