PAWANG kasinungalingan!
‘Yan ang naging pahayag ni Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva ng CIBAC party-list sa alegasyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na tatanggap umano ang mga deputy speaker ng Kamara ng dagdag na bilyong pondo sa ilalim ng P1.4 trilyong national budget para sa taong 2020.
Ayon kay Villanueva, walang basehan at hinugot lamang sa hangin ang mga paratang ni Lacson.
“Bilang Deputy Speaker for Good Governance and Moral Uprightness, with due respect to Sen. Lacson, ang kanyang alegasyon na may plano raw na bigyan ng P1.5 billion ang mga deputies ng House of Representatives ay isang malaking kasinungalingan. It is a big, big lie!” sabi ni Villanueva.
Sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Lacson, at hiniling sa senador na pangalanan ang pinagkuhaan ng impormasyon.
Ayon kay Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla, nagtataka siya kung saan nakuha ni Lacson ang mga paratang na para bang ang punto ay siraan ang imahen ng Kamara, imbes makipagtulungan para maisulong ang mga programang reporma ng Pangulo.
“Ginugulo niya (Sen. Lacson) ang sitwasyon. Gusto niyang pagandahin ang imahen ng senado habang sinisira ang pagtingin ng mga tao sa Kamara. Ayaw niya kaming magtagumpay,” ani Remulla.
Binigyang diin ni Capiz Rep. Fredenil Castro, ang naaprobahang national budget sa ilalim ng House Bill No. 4228 o ang 2020 General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara sa third and final reading noong 20 Setyembre ay tugma sa National Expenditure Program o budget proposal ng Pangulong Duterte.
Ipinaliwanag ni Castro, ang pondo ng Kamara ay base sa kung anong budget ang nakalagay sa NEP at ito ay hindi para sa mga deputy speaker kundi para sa pagpapaunlad ng mga pasilidad ng Kongreso, dagdag na sahod sa ilalim ng Salary Standardization Act ng mga House employees, at pagsasaayos ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD).
Dito ilalaan ang malaking parte ng budget ng Kamara at hindi para sa mga deputy speaker o congressmen, ani Castro.
Tulad ng mga naunang pahayag ni Speaker Alan Peter Cayetano at House Majority Leader Martin Romualdez, wala ni isang kusing na “pork” sa national budget for 2020,” ayon kay Castro.
HATAW News Team
P1.5-B PORK IHAHATAG
PARA SA 22 DEPUTY
SPEAKERS — LACSON
IBINUNYAG ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na bukod sa P100 milyong alokasyon sa bawat kongresista ay makatatanggap ng karagdagang P1.5 bilyong pondo ang nasa 22 deputy speakers sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Lacson, mismong sa isang kapwa niya mambabatas nakuha ang naturang impormasyon.
Sinabi ni Lacson, bukod dito ang umano’y tig-P700 milyon na matatanggap ng lahat ng miyembro ng mababang kapulungan.
Sa kasalukuyan ay nasa 300 mambabatas ang miyembro ng mababang kapulungan at kung makatatanggap ng P54 bilyon ay maituturing na pork.
Umaasa si Lacson na hindi ito matutuloy o mangyayari dahil labis-labis ito para sa mga kongresista.
Kaugnay nito, sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go, anomang “pork” ay hindi maganda para sa isang mambabatas na halal na katulad niya.
Biro ni Go, ayaw niyang magkasakit lalo na’t may usapin ng African Swine Flu (ASF) at ayaw niya sa cholesterol.
Samantala buo ang paniniwala ni Senate President Tito Sotto III na hindi mauulit ang re-enacted budget para sa susunod na taon.
Sa kabila ng isyu sa mababang kapulungan at pork ay hindi nila papayagan sa senado ang mga hadlang para mapagtagumpayan ang mabilisang pagpasa nito.
(NIÑO ACLAN)