DAHIL sa nadiskubreng katiwalian, hiniling ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na buwagin ang Manila Tricycle Regulatory Office (MTRO) matapos isagawa ang flag raising ceremony kahapon ng umaga sa Kartilya ng Katipunan sa Maynila.
Inatasan ni Domagoso si Vice Mayor Honey Lacuna katuwang ang buong konseho ng Maynila na magpasa ng ordinansa na magbubuwag sa buong MTRO makaraang mabuking ang pangongolekta sa mga tricycle at sidecar driver ng P100 kada araw kapalit ng malaya nilang pagbiyahe sa kalsada ng Maynila.
Ayon sa mga hindi nagpakilalang driver ng tricycle at sidecar, kapag may nakadikit na sticker na nagmula sa MTRO ang kanilang minamanehong sasakyan, nagsisilbi itong ‘depensa’ o ‘iwas huli’ sa oras na bumibiyahe sila sa lungsod ng Maynila.
Hindi umano lingid sa mga Manileño na maraming mga pasaway na driver ng tricycle at padyak dahil karamihan ay nakasanayan nang lumabag sa ilang batas trapiko tulad ng counterflow, pagsuway sa traffic lights, pagtawid sa mga bangketa atbp.
Dahil dito, nakarating sa kaalaman ni Mayor Isko ang nasabing modus kaya’t agad umaksiyon at inatasan ang konseho na gumawa ng kaukulang hakbang upang mabuwag ang MTRO.
Samantala, nagbabala ang alkalde sa department heads at bureau chiefs ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na bubuwagin ang kanilang departamento sakaling hindi nila magawang madisiplina ang kanilang mga tauhan.
“If you cannot discipline your employees, then I will abolish your Department. I will not allow this opportunity to pass as if I am just the usual Mayor,” ani Isko.