LIMANG katao ang naaresto kabilang ang tatlong bebot matapos maaktohan ng mga pulis na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang bahay sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Joshua Fontalva, 19 anyos, isang construction worker; Jerry Regis, 42 anyos, foreman; at mga bebot na kinilalang sina Michelle Camacho, 36, Maria Virginia, 31, at Daisy Escober, 34 anyos, pawang residente sa Brgy. 176 ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat mula kay Caloocan Police deputy chief for administration P/Lt. Col. Ferdie Del Rosario, dakong 7:00 pm, nagpapatrolya ang mga tauhan ng PCP-3 sa Phase 1, Brgy. 176, Bagong Silang nang isang concerned citizen ang lumapit sa kanila at ipinaalam ang nagaganap na pot session sa loob ng isang bahay sa Phase 1, Package 3.
Kaagad tinungo ng mga pulis ang naturang bahay kung saan huli sa akto ang mga suspek na sumisinghot ng shabu dahilan upang sila ay arestohin.
Narekober ng mga pulis sa mga suspek ang dalawang nakabukas na plastic sachet ng shabu at ilang drug paraphernalia na tila may bahid ng droga habang nakuha kay Escober nang kapkapan, ang tatlong plastic sachet ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
(ROMMEL SALES)