PATAY ang isang inang buntis at ang kanyang dalawang paslit na anak sa sumiklab na sunog sa mga kabahayan sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktimang mag-iina na sina Mara Beneza, 23; Leo Lance Tequillo, 4; at Andrei Tequillo, 5 anyos, pawang residente sa Honorio Lopez Blvd., Gagalangin, Tondo, Maynila.
Ayon kay Fire Insp. John Joseph Jalique, chief of intelligence and investigation ng Manila Fire District, natagpuan nilang magkayap sa loob ng nasunog na bahay ang dalawa sa biktima.
Positibong kinilala ang mga biktima ng kanilang kamag-anak na si Michelle Bacanza, residente sa lugar.
Ang ibang kaanak ay napinsala ng second-degree burns sa kanang braso gaya ni Lianlyn Tequillo, 7, habang si Ashley Tequillo, 8, ay sugat sa kaliwang hita at first degree burn sa noo.
Ayon kay Bacanza, na-trap ang mga biktima sa itaas na palapag ng kanilang bahay na gawa sa light materials.
Nagsimula ang apoy sa bahay na pag-aari ng isang Lilia Tequillo sa No. 650 Honorio Lopez Boulevard, Gagalangin dakong 6:17 am.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at naapula dakong 7:00 am.
Nasa P50,000 ang tinatayang pinsala ng sunog.
Iniimbestigahan ang sanhi ng sunog at kabilang sa mga tinitingnang anggulo ang arson dahil pinaaalis na umano ang mga residente sa lugar.
Ayon kay Bacanza, may nauna nang nagbanta sa kanila na susunugin ang kanilang bahay kung hindi pa sila tuluyang aalis sa lugar.
Samantala, mabilis na nagtungo si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa lugar upang magbigay ng agarang tulong sa mga nasalanta ng sunog.
Kasama ni Domagoso sina Manila Department of Social Welfare chief Re Fugoso at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office Arnel Angeles.
Iniimbestigahan ang sanhi ng sunog at kabilang sa mga tinitingnang anggulo ang arson dahil pinaaalis na umano ang mga residente sa lugar.
HATAW News Team