LUMAGDA ang Golden Arches Development Corporation, franchiser ng McDonald’s Philippines, at si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang kinatawan ng Maynila, sa kasunduang tatanggap ang quick-service restaurant giant ng persons with disability (PWD) at mga senior citizen bilang kanilang crew sa 40 sangay sa lungsod ng Maynila.
Nakipagkasundo ang McDonald’s Philippines sa pamahalaan ng kabisera ng bansa upang mapagtibay ang kanilang misyong maging bukas sa lahat ng uri ng empleyado.
Bilang pagkilala sa kakayahan ng bawat Filipino na maging produktibong kasapi ng lipunan, tatanggap ng hindi bababa sa 80 senior citizens at 40 PWDs ang mga sangay ng McDonald’s sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Kenneth Yang, President at CEO ng McDonald’s Philippines, ang McDonald’s Philippines ay isang responsableng kompanya simula nang magbukas ang unang branch sa Morayta noong 1981.
Dagdag niya, bilang pagdiriwang ng kanilang ika-38 anibersaryo sa bansa ngayong Setyembre, nilayon nilang pumirma ng kasunduan kasama ang Lungsod ng Maynila upang bigyang pagkakataon ang mga senior citizen at mga hearing-impaired na magkaroon ng trabaho.
Magbibigay ito ng oportunidad sa mga senior citizen at mga PWD na kumita at mapaghusay ang mga bagong kasanayang matututuhan nila sa world class training na ibibigay ng kompanya sa directly hired crews.
Sasailalim ang qualified applicants sa pagsasanay na aprobado ng Public Employment Service Office (PESO) ng lungsod, at ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Itatalaga ang mga matatanggap na senior citizens at mga PWD sa mga trabahong pareho sa mga regular na crew gaya ng tagahatid ng order, tagakuha ng inumin, table manager, at overall guest relations.
Sa ilalim ng kasunduan, maitatalaga ang mga senior citizen na magtrabaho nang hindi lalampas sa apat na oras kada araw sa loob ng limang araw kada linggo, sa mga shift set mula 8:00 am hanggang 12:00 pm at 1:00 pm hanggang 5:00 pm.
Samantala, parehas ang oras ng shift ng PWDs sa mga regular na crew ngunit hindi lalampas sa walong oras ang kanilang trabaho.
Ayon kay Yang, natutuwa silang magkaroon ng senior citizens at mga PWD na magsisilbi sa kanilang mga kustomer.
Sa kasalukuyan, mayroon silang kabuuang 30 empleyado na senior citizens at PWDs sa iba’t ibang sangay ng McDonald’s sa bansa.
Nakita umano ng pamunuan ng McDonald’s ang potensiyal, kakayahan, at sigasig nila na maghatid ng magandang customer service.
Umaasa ang McDonald’s Philippines na mas titibay at lalakas ang alternative workforce hindi lamang sa Maynila kundi maging sa iba pang lungsod.
Naging kilala ang McDonald’s Philippines sa pagsusulong ng pag-unlad ng kanilang mga empleyado simula pa noong 1981.
Ipinagmamalaki ng kompanya ang kanilang direct hiring policy at walang kontraktuwalisasyon sa lahat ng kanilang empleyado.
Nilalayong palakasin ng McDonald’s Philippines ang kanilang pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment at PESO para sa “Special Program for Employment of Students” o “SPES” na nakinabang ang mahigit 800 mag-aaral at out-of-school youth at 250 ang kinuha ng kompanya at naging regular na empleyado.
Suportado rin ng McDonald’s ang “Work Immersion Program” sa pakikipagtulungan ng mga pribado at pambpublikong Senior High Schools (SHS). Magkakaroon ng ‘immersion’ sa kanilang head office at mga sangay ang mga mag-aaral ng SHS upang matuto sa food and service industry.
Simula nang magbukas ang programa sa lungsod ng Maynila, higit sa 160 mag-aaral mula Senior High School ang natuto sa industriya ng food and beverage.
Sa pagtatapos ni Yang, sinabi niyang, “The success of our people is our success. We are committed in their training and development to ensure their growth in the company and as individuals.”
Sa kasalukuyan, 50 porsiyento ng management team McDonald’s Philippines ay nagsimula bilang crew members, sa paniniwalang higit sa trabaho, nagbibigay din ang kompanya ng pagkakataong lumago ang kanilang kakayahan.
(KARLA LORENA OROZCO)